HINDI na ito mauulit.
Ito ang pagtitiyak na ginawa kahapon ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jimmy Santiago ukol sa kontrobersiyal na ‘selfie’ na ginawa ng mga ahenteng kasamang kumuiha kay dismissed Mayor Alice Guo na aniya ay pawang pinagalitan na niya, ni-reprimand at pinaiimbestigahan sa disciplinary board ng bureau para sa karampatang aksyon.
Sa kanyang pagdalo sa MACHRA Balitaan ng Manila City Hall Reporters Association (Machra) nitong Martes sa Harbor View Restaurant, sinabi ni Santiago na muli siyang nahingi ng paumanhin sa pangyayari at sinigurong di na mauulit ang ganoong pangyayari.
Habang hindi niya umano kinukunsinti ang pangyayari dahil tunay itong ‘unprofessional’ at mali, ipinaliwanag ni Santiago na maaring na-overwhelm lamang ang mga kawaning sangkot dahil dalawang linggo umano silang walang pahinga sa pagta-trabaho sa Indonesia upang maiuwi si Guo sa Pilipinas.
Sobra din umano ang tuwa nilang lahat nang pumayag ang Indonesian authorities na ibigay si Guo nang walang anumang kapalit, matapos unang maiulat na ang gusto ng Indonesian authorities ay ‘palit-ulo’ o may Indonesian din silang kukunin mula sa bansa.
Ukol naman sa asal ni Guo, sinabi ni Santiago na iba-iba ang paraan ng bawat tao para pagtakpan ang tunay na nararamdaman o tanggapin ang anumang sitwasyon o kabiguan at maaring ang pagngiti ang pamamaraan ni Guo.
Samantala, nagpahayag si Santiago ng paniniwala na may tumulong na Pinoy at banyaga kay Guo upang makalabas ng Pilipinas, maging opisyal man ito o pribadong tao.
Iniimbistigahan umano ng bureau kung sino ang mga tumulong kina Alice Guo, Cassandra Ong at Sheila Guo upang makatakas ng bansa sa pamamagitan ng ‘backdoor exit.
Hindi rin umano nila bina-balewala ang alegasyon ni Alice Guo na nakatatanggap siya ng mga pagbabanta sa kanyang buhay at maging ito ay iniimbistigahan din umano ng NBI maige.