BUONG-PUSONG nagpasalamat sina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo sa mga miyembro ng Muslim community sa Maynila ?matapos magpahayag ang mga ito ng pagsuporta sa tambalang Honey-Yul.
“Maraming, maraming maraming salamat sa ating mga kapatid na Muslim, sa inyong muling pagtitiwala at makakaasa po kayong lahat na hinding-hindi namin kayo pababayaan at lalong-lalo na, hinding-hindi namin kayo iiwan,” ani Lacuna sa ginanap na pormal na pagpapahayag ng mga Muslim sa Maynila ng buong suporta para sa kanilang dalawa ni Servo.
“Bilang inyong ina, mananatili nating pangunahing prayoridad ang kalusugan, karunungan, kabuhayan, kaayusan at kaunlaran. Lahat po kayo kasama, dahil lahat mahalaga,” saad ni Lacuna.
Ang mga nasabing grupo ng Muslims na pawang naka-base sa Maynila ay nanumpa sa harap ng alkalde sa ‘Manila Muslim Pledge of Loyalty’ event na ginanap sa Quiapo, Manila sa loob ng Sharief Mansion.
Ang nasabing ‘ jampacked’ na event ay inorganisa nina barangay chairman Omaiya Sharief and Council at barangay chairman Sultan Suharto Buleg Al-Hajj.
Sa naturang okasyon, ang nasabing mga barangay chairmen ay naghayag ng pasasalamat kay Lacuna sa pagtataguyod nito ng mabuting pamamahala at pag-aalaga sa mga mamamayan ng Maynila.
Ayon sa kanila, mapalad ang mga taga-Maynila at sila ay nasa mabuting kamay hindi lamang dahil sa sila ay mayroong masipag at magaling na alkalde, kundi mayroon din silang doktorang namumuno at naiintindihan ang mga pangangailangan ng mga Manileño pagdating sa isyu ng kalusugan.
“Sa abot ng aming makakaya, kami ay magbibigay ng walang kapantay na suporta…napakaganda ng ginagawang paglilingkod ng ating mayora… mayroon na tayong mayor mayroon pa tayong doktora na bukod sa naglilingkod ay nanggagamot sa mga maysakit nang walang sinisingil na anuman. yan ang tunay na lingkod ng bayan,” ayon pa sa kanila.