KAAGAD na magtungo sa pinakamalapit na health center at uminom ng gamot upang makaiwas sa leptospirosis, sakaling di maiwasan na lumusong sa baha.
Ito ang mahigpit na tagubilin ni Manila Mayor Honey Lacuna sa mga taga-lungsod, sa gitna ng mga ulat na paparating na naman ang isang bagyo habang hindi pa nakakabangon ang bansa sa hagupit ng bagyong ‘Kristine’.
Ayon kay Lacuna, na isa ring doktora, ang leptospirosis ay karaniwang nakukuha sa mga sa paglusong sa baha na kontaminado ng ihi at dumi ng infected animals tulad ng daga.
Upang maiwasan ang impeksyon, ipinayo ni Lacuna na umiwas sa paglusong sa baha at kung sakali namang hindi ito maiwasan, kailangan na magsuot ng personal protective equipment tulad ng boots, panatilihin ang personal hygiene at agad na maligo pagkalusong sa baha.
Ani Lacuna, dapat ding agad na magpakonsulta sa pinakamalapit na health center upang magabayan at mabigyan ng doxycycline prophylaxis dahil ang pinakamabisang paraan upang maiiwasan ang leptospirosis ay sa pamamagitan ng mabilis na pag-aksyon laban dito.
Ipinaliwanag ni Lacuna na sa pamamagitan ng pagkonsulta sa health centers, ang pasyente ay maa-assess kung ang kanyang exposure ay low, medium o high risk at kung kailangan na uminom siya ng doxycycline na makakatulong upang maiwasan ang leptospirosis.
Ayon naman kay Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan, maraming health centers ang mga distrito sa lungsod na laging bukas sa lahat ng nangangailangan ng serbisyo lalo na sa panahon ng kalamidad.