NANAWAGAN si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga deboto ng Itim na Nazareno na sundin ang mga itinakdang alituntunin ng Simbahan, Philippine National Police (PNP) at Manila Police District (MPD) upang maiwasan ang anumang aberya at matiyak ang kaligtasan ng mga lalahok sa 2025 ‘Traslacion’ na inaasahang dadaluhan ng milyong katao gaya ng dati.
Kasabay niyan ay nakiusap din si Lacuna sa mga debotong lalahok sa ‘Traslacion’ na huwag nang magdala ng mga bata at mga may kapansanan upang maiiwas ang mga ito sa posibleng kapahamakan. Ang nasabing prusisyon ang siyang pinakatampok na aktibidad tuwing ipinagdiriwang ang Kapistahan ng Itim na Nazareno tuwing Enero 9.
Nagpayo din si Lacuna sa mga dadalo na iwasan ang pagsusuot ng mga alahas o pagdadala ng mga ipinagbabawal na bagay.
Higit sa lahat, aniya, dapat na tiyakin ng mga deboto na sila ay hindi nakainom kapag sila ay sumama sa prusisyon dahil posibleng makalikha sila ng panganib sa kanilang sarili at sa kanilang kapwa deboto.
Binigyang-diin ni Lacuna na sa panig ng pamahalaang-lokal ay ginagawa nila ang lahat upang matiyak ang kaligtasan ng mga lalahok sa ‘Traslacion’.
Inatasan na ni Lacuna ang lahat ng kinauukulang sangay ng lokal na pamahalaan upang gawin ang kani-kanilang parte at ibinahagi rin niya ang iniulat ni City Engineer Moises Alcantara na nagsagawa na ang kanyang dapartamento ng kaukulang pag-iikot upang siguruhing walang mga nakalaylay na kable ng kuryente o di kaya ay lubak at bukas na manhole sa daraanan ng prusisyon, lalupa’t inaasahang ang mga lalahok sa prusisyon ay pawang nakayapak.
Ani Lacuna, may mga medical teams din na mag-aantabay lamang upang tumugon sa mga medical cases, kung kakailanganin.














