INIHAYAG ni Manila Mayor Honey Lacuna na sa pagtutulungan ng kanyang administrasyon at ng tanggapan ni Congressman Rolan Valeriano (2nd district), lahat ng police community precincts (PCPs) sa nasabing distrito sa lungsod ay may bago nang mukha mga gusali na higit nang kaiga-igaya para sa mga miyembro ng pulisya.
Ang pahayag ay isinagawa ni Lacuna nang pangunahan nilang dalawa ni Valeriano ang pagpapasinaya ng bagong Gagalangin-PCP sa Tondo, kung saan kasama rin nila si Manila Police District (MPD) Director Gen. Arnold Thomas Ibay pati na ang ilang opisyal at mga konsehal ng lungsod.
Sa kanyang mensahe ay nagpasalamat si Lacuna kay Valeriano sa pagtulong nito sa kanyang administrasyon sa gitna ng pagkakabaon sa utang na halos P18B na iniwan ng dating administrasyon.
“Gusto kong magpasalamat kay Congressman Valeriano. Alam na alam ng ating mga Congressman ang totoong sitwasyon ng lungsod, ang kakulangan ng pondo dahil sa malaking pagkakautang sa ilang mga bangko. Kaya hindi ako nagdalawang-isip na talagang nilapitan ko sila (Congressmen) para humingi ng tulong sa kanila. May mga bagay na di kaya ng pondo at di ako nahihiyang hingin sa kanila at di naman sila nagdadagawalgn isip para tulungan ako. ‘Yan po ang maituturing ko ng isang magandang samahan dahil gaya nga ng binanggit ni CRV, iisang pamilya tayo. Kaya maraming salamat,” pahayag ni Lacuna.
“Di pala natin kailangang umutang. Ang kailangan lang ay maghanap ng mga tunay na kaibigan at kapamilya para matulungan tayo. Ang galing-galing ng Congressman ninyo, sa kanyang magiging ikatlong termino ay naisaayos na niyang lahat ng police station sa kanyang distrito,” dagdag pa nito.
Sinabi naman ni Valeriano sa kanyang talumpati na nakapagpapatayo na sila ng bagong presinto sa Bambang, Abad Santos, Pampanga,Tayuman, Pritil, Manuguit, Padre Algue at ngayon nga ay sa Gagalangin, bukod pa sa bagong Precinct 7.
“Lahat ng presinto sa District 2, tapos na lahat. Sana ay mas mapanatiling maayos ang peace and order sa ating distrito,” ani Valeriano, kasabay ng pahayag na siya at ang iba pang Kongresista sa Maynila ay nananatiling buo ang suporta kay Lacuna pati na sa Asenso Manileno, na aniya ay tunay ang lahat ng ginagawa upang makapaghatid ng pinakamahusay na public service para sa mga residente ng Maynila.
Nanawagan si Lacuna sa mga opisyal ng barangay na tulungan ang kapulisan na mapanatili ang security at peace and order sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga pulis.
“Isa kayong mahalagang bahagi para sa pagpapanatili ng kaayusan, kapayapaan at seguridad,” ani Lacuna.
Samantala ay nanawagan din si Lacuna sa mga pulis na iparamdam nila ang kanilang presensya 24/7.
Ayon sa alkalde, ang kanilang pinasinayaan ay gusali lamang at ang mahalaga ay ang mga pulis na ookupa nito at ang klase ng serbisyo na kanilang ipagkakaloob sa mga residente na nasa kanilang area of jurisdiction.
“Di lang vehicular traffic meron dito,kahit foot traffic, very alive din ang lugar na ito ng Gagalangin. Ang pangunahing dahilan sa pagkakaroon ng PCP ay para iparamdam natin ang presensya ng batas, na nabibigyan tayo ng atensyon sa anumang uri ng krimen at me agarang malalapitan o mapagsusumbungan pag me napansing kahina-hinalang pangyayari sa ating paligid,” saad ni Lacuna.
“Building lang po ‘yan. Ang importante diyan ay ‘yung taong nasa loob. Paigtingin po nating lalo ang police visibility at pakiusap ko sana sa mga barangay ay bigyan natin ng halaga ang patuloy na magandang ugnayan sa kapulisan, kasi kayo ang pangunahing katuwang ng pagpapalaganap ng kapayapaan sa inyong lugar,” dagdag pa nito.
Bilang panghuli ay umapela si Lacuna sa mga pulis na gagamit ng bagong gusali ng PCP na panatilihin ang kalinisan at kaayusan ng kanilang tanggapan dahil aniya, “ang isang matinong pulis, malinis.”