Nasa 105% ng target collection na ang naitala sa lungsod ng Maynila, habang piinakamataas din ang bilang ng mga bagong negosyo sa lungsod noong 2023 sa ilalim ng pamamahala ni Mayor Honey Lacuna, kumpara sa mga nakalipas na taon bago nito.
Ito ang buong-pagmamalaking ibinalita ni Lacuna na batay sa ulat ni Permits Bureau chief Levi Facundo, matapos nitong ihayag sa flagraising ceremony na nasa 105% ng kanilang target collection na ang nakamit ng lungsod, kumpara sa naitala noong 2022, habang umabot din sa pinakamataas ang bilang ng mga bagong negosyo noong 2023.
Kaugnay nito ay pinuri at pinasalamatan ni Lacuna si Facundo at ang mga tauhan nito sa kanilang mahusay na pagtatrabaho.
“Kung ang ginagawa ay episyente, maganda ang magiging takbo ng Maynila,” anang alkalde.
Pinasalamatan naman ni Facundo sina Lacuna at si Vice Mayor Yul Servo dahil sa buong suporta ng mga ito upang maabot ng kanyang tanggapan ang nasabing koleksiyon.
“Malakas at maayos ngayon ang kalagayan ng pagnenegosyo sa Maynila,” pagmamalaki pa ni Facundo.
Napag-alaman na habang isinusulat ito ay nalagpasan na ng permits bureau ng 2,507 ang bilang ng business permits na naiproseso nito, kumpara noong 2023 habang nasa 98% na rin aniya ang lungsod kumpara sa bilang na naitala nila sa buong taon ng 2023.
Naghayag din ng kumpiyansa si Facundo na sa natitira pang limang buwan ng taong kasalukiyan ay tiyak na malalagpasan pa nila ang kanilang target sa bureau of permits.
Kaugnay nito ay nanawagan si Lacuna sa mga business owners na tumalima sa payo ni Facundo na mag-online para sa kanilang mga katanungan at iba pang transaksiyon sa Bureau of Permits.
Binigyang-diin ni Lacuna na bukod sa pagiging mas episyente, mas mabilis at makakatipid ang mga aplikante sa oras, pagod at pera kesa kung pupunta pa sila nang personal sa Manila City Hall.
Ani Facundo, ang mga business inquiries ay maaari na lamang i-email sa permits@manila.gov.ph, kung saan ang mga katanungan ay matutugunan umano sa loob ng 24-oras.
Mas mabilis na rin umanong malalaman ng mga negosyante ang estado ng kanilang aplikasyon kung sila ay sasali sa Viber ng Bureau of Permits Help Desk, na tumutugon sa office hours, o mula 8 a.m. hanggang 5 p.m.