Inihayag ni Mayor Honey Lacuna na bilang pagdiriwang ng National Women’s Month sa darating na Marso ay naghanda na ng mga aktibidad ang pamahalaang-lungsod ng Maynila.
Kasabay niyan ay tiniyak din ng alkalde na sa Maynila ay nananatiling pantay-pantay ang mga oportunidad at karapatan para sa mga kalalakihan, kababaihan at maging sa mga miyembro ng LGBTQ+ community.
“Sa Friday (March 1), umpisa na ng National Women’s Month, isang malaking pagdiriwang para sa atin sa Manila kung saan lahat ay pantay-pantay,” ani Lacuna.
Naghayag din ng pagmamalaki si Lacuna na sa lokal na pamahalaan ng Maynila ay marami ang mga kababaihan na nagsisilbing pinuno ng iba’tt-ibang departmento, units at tanggapan.
“Ito (equality) ay nakikita natin sa mga kasamahang depatment heads kung saan ang pinagbabasehan sa pagpili ay ang inyong kakayahan na gawin ang inyong tungkulin at hindi base sa kasarian,” dagdag pa niya.
Dagdag pa nito na, “lahat ay may equal opportunities sa ating lungsod. Karangalan ko na madaming babae na nag-excel dito sa ating lungsod.”
Kaugnay nito ay inanyayahan din ni Lacuna ang mga interesado na lumahok sa iba’t-ibang aktibidad at gawain na nakalinya para sa nasabing pagdiriwang.
Hinihimok din ni Lacuna ang mga kababaihan na makiisa sa mga gawain ng Manila-department of social welfare na pinamumunuan ni Re Fugoso, na kanyang pinuri dahil pinuno na umano nito ang buong buwan ng Marso ng mga activities na may kaugnayan sa mga tungkulin ng kanyang tanggapan.
Pinuri din ng alkalde ang mga social workers at daycare teachers ng DSW, na ayon sa kanya ay higit pa sa kanilang itinakdang trabaho ang ginagawa, gaya na lamang ng pagtulong sa pamamahagi ng allowances at financial assistance sa mga nasusunugan at pag-rescue sa mga street dwellers.














