Latest News

Naging 'emotional' si Mayor Honey Lacuna habang inihahayag ang planong ipa-preserve si Mali sa museum nang patuloy itong makita ng mga bumibisita sa Manila Zoo.Kasama niya sa larawan ang veterinarian na si Dr. Chip Domingo na nagpaliwanag sa sanhi ng kamatayan ni Mali. (JERRY S. TAN)

MAYOR HONEY: WALANG PUBLIC VIEWING KAY MALI; PAG-PRESERVE SA KANYA, PINAG-UUSAPAN NA

By: Jerry S. Tan

INIHAYAG Ni Manila Mayor Honey Lacuna na walang magaganap na ‘public viewing’ para kay Mali, ang nag-iisang elepante sa buong bansa, na namatay sa loob ng Manila Zoo nitong hapon ng Martes.

Sinabi rin ng alkalde na makikipag-usap ang city government ng Maynila sa pamahalaan ng Sri Lanka upang ipaalam ang pagpanaw ni Mali, “in the hope that they find it in their heart to entrust another elephant in our care.”

Nasa larawan ang dalawang tagapag-alaga ni Mali. (JERRY S. TAN)

Sa ginawang press conference sa Manila Zoo, sinabi ng alkalde ang posibilidad na isailalim sa ‘taxidermy’ si Mali upang ma-preserve ang kanyang balat at gayundin ang kanyang mga buto upang makita pa rin ito ng mga bumibisita sa Manila Zoo.

“Alam nyo naman po, prized possession namin si Mali, siya po ang star attraction dito sa Manila Zoo so nagsisimula na kaming magkaroon ng talks with the experts kung paano magagawang mai-preserve si Mali at mailagay siya sa museum natin dito,” pahayag ng alkalde, na hindi na napigilan ang emosyon habang inihahayag kung gaanong kalaking kawalan sa lungsod ang pagpanaw ni Mali.

“Talaga pong nakakalungkot dahil lahat tayo ay may kanya-kanyang kwento kay Mali. Ako po nung bata pa po ako, ito po ang naging regular naming pasyalan… dito kami dinadala ng aming magulang…kaya nung irehabilitate namin ito we made sure na malaki ang ikutan niya, siya ang pambungad na pambati namin dito sa Manila Zoo,” ayon kay Lacuna

Batay sa opinyon ng mga eksperto, ipinaliwanag ni Lacuna na habang marami ang nagsasabi na ibalik si Mali sa kanyang natural habitat ay hindi na ito magiging angkop sa kanya dahil ito ay nasa ‘captive state’ na simula nang ito ay dinala sa Manila Zoo noong siya ay 11 buwang gulang pa lamang. Aniya, mahihirapan na rin itong mag-adapt kung ibabalik sa kanyang natural habitat.

Napag-alamang si Mali ay maraming tumor na nakakaapekto sa maraming organs nito at nagdulot din ng grabeng pressure sa katawan at puso nito na hindi na kayang mag-pump ng sapat na dugo upang ito ay manatiling mabuhay.

Napag-alaman din na naabot na ni Mali ang kanyang maximum life span na 40 hanggang 45 years old. Si Mali ay namatay sa edad na 43.

“Sa ating mga kapwa Manilenyo at mga kababayang Pilipino na napamahal na po kay VishwaMali, wag kayo mag-alala, hindi lang po sa mga bata kundi pati sa matatanda, kami po sa City of Manila tya di po titigil na makahanap ng panibago pong pambungad na pambati sa inyo,” ani Lacuna,

Sinabi pa ng alkalde na ang pamahalaang-lungsod ay gagawin ang lahat upang manatili ang alaala ni Mali.

Ang enclosure kung saan nanatili sa loob si Mali ay tinakpan ng tarpaulins dahil na din sa ito ay sumasailalim sa necropsy.

Hiniling ng spokesperson ni Lacuna na si Atty. Princess Abante sa media na dumalo sa press conference na irespeto ang privacy ni Mali sa pamamagitan ng hindi pagkuha ng larawan ng bangkay ng elepante.

Ayon sa records ng lungsod, ang pag-aalaga at pag-aaruga kay Mali ay ibinigay ni dating President Ferdinand Marcos sa lungsod ng Maynila nang mga panahong si Ramon Bagatsing pa ang alkalade.

Tags:

You May Also Like

Most Read