NANANAWAGAN sina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo sa publiko na tangkilikin ang mga pelikulang Pilipino na tampok sa Metro Manila Film Festival (MMFF) mula December 25, 2024 hanggang January 7, 2025.
Bilang ‘host city’, pinangunahan ng Maynila, na kinatawan nina Lacuna at Servo, ang pagdiriwang ng 50th Edition ng MMFF sa Grand Parade of Stars na ginanap sa lungsod nitong Sabado.
Sa loob ng dalawang linggong festival, tanging ang 10 entries lamang ang mapapanood sa lahat ng sinehan sa bansa at walang dayuhang pelikula ang ipapalabas.
“Tangkilikin po natin ang mga pelikulang Pilipino, isang maligayang Kapaskuhan po sa inyong lahat and a Honey-Yul year!!!” mensahe ni Lacuna bago nagsimula ang parada sa Kartilya ng Katipunan. Ito ay nagtapos sa isang Music Fest sa Manila Post Office alas-6ng gabi nitong Sabado. Ito ay isang libreng concert na tinampukan ng mga local music performers.
Ang golden anniversary parade ay nilahukan ng mga floats ng mga artista at casts ng 10 pelikulang kabilang sa MMFF. Umikot ito sa lungsod mula sa Bonifacio Shrine hanggang sa end point nito na Manila Central Post Office .
Matatandaan na mula sa 39 scripts na isinumite, ang unang limang entries ay pinili at inanunsyo noong July 16, 2024 sa Bulwagang Villegas ng Manila City Hall. Ang ikalawang batch ng pelikula ay inanunsyo noong October 22, 2024 at napili mula sa mga pelikulang natapos at isinumite bago sumapit ang September 30, 2024.
Ang tema ng MMFF’s 50th edition ay, “Sinesigla sa Singkwenta” kung saan 10 pelikula mula sa iba’t-ibang genre ang maglalaban-laban.














