Hinihimok ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lahat ng may ginintuang puso na tulungan ang pamahalaang- lungsod sa kanilang hakbang na mabigyan ng libreng braces ang mga batang nangangailangan nito.
Ang panawagan ay ginawa ni Lacuna kamakailan, matapos na mabigyan ng libreng braces ang unang batch ng 14 mag-aaral mula sa iba’t-ibang pampublikong paaralan sa lungsod sa pamamagitan ng Manila Health Department na pinamumunuan ni Director Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan.
“Mayroon na naman po tayong bagong 14 na mag-aaral ng pampublikong paaralan na muling nabigyan ng magagandang ngiti sa pamamagitan ng programa ng Manila Health Department,” ani Lacuna.
“Maraming-maraming salamat po sa lahat ng mga mabubuting-loob na walang-sawang tumutulong sa ating mga pampublikong mga mag-aaral. Nasa 38 na po na mag-aaral ang nagkaroon ng libreng braces. Maraming maraming salamat po sa inyo,” dagdag pa nito.
Samantala ay sinabi ng lady mayor na patuloy ang pagbibigay ng libreng basic medical services sa mga nangangailangang residente ng lungsod dahil ipinatutupad ang basic health routine programs sa 44 health centers na nakakalat sa anim na distrito ng Maynila.
Kabilang sa free routine programs at services na ibinibigay sa mga residente ay ang deworming ( purga) ng mga bata, family planning, dental at regular check-ups, ECG, pap smear at laboratory na available na rin sa mga health centers.
Ayon kay Pangan, ang lahat ng 44 health centers sa lungsod ay patuloy na bukas para sa mga nangangailangan ng basic health services.
Ang mga health centers ay pinatatakbo ng mga kawani ng MHD mula Lunes hanggang Biyernes, mula 8 a.m. hanggang 5 p.m. (JERRY S. TAN)














