Latest News

Pinag-uusapan nina Mayor Honey Lacuna at mga opisyal ng lungsod ang mga hakbang ukol sa transport strike. Nasa larawan sina (fmula kanan) spokesperson Atty. Princess Abante, MTPB chief Zenaida Viaje, MTBP adviser Dennis Viaje, MDRRMO chief Arnel Angeles, MPD Director PBGen. Andre Dizon, chief of staff Joshua Santiago at (sa likuran ni Viaje) Councilor Awi Sia. (JERRY S. TAN)

Mayor Honey, umapela ng payapang transport strike

“SA mga may balak manggulo, ‘wag na po ninyong ituloy dahil nakahanda po ang ating kapulisan na panatilihin ang peace and order sa ating lungsod.”

Ito ang apela at paniniyak na ginawa ni Manila Mayor Honey Lacuna kahapon, matapos pangunahan ang deployment ng mahigit 300 na iba’t-ibang uri ng sasakyan dakong 5 a.m. nitong Lunes ng umaga para maghatid sa mga commuters na stranded na resulta ng isang linggong transport strike sa Metro Manila.

Naroon din sina Manila Police District (MPD) Director PBGen. Andre Dizon, Manila Traffic and Parking Bureau chief Zenaida Viaje at adviser Dennis Viaje; Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) chief Arnel Angeles, Councilor Awi Sia, spokesperson Atty. Princess Abante at chief of staff Joshue Santiago, kung saan nagbigay ng mensahe ang alkalde sa mga magpapatakbo ng mga sasakyang ipakakalat para sa “Oplan: Libreng Sakay”.


Kaugnay niyan ay pinasalamatan ni Lacuna si Dizon sa pagpapahiram ng 11 pick-up vehicles at tatlong malalaking trucks habang ang iba naman ay nagmula sa city government at binubuo ng may 300 E-trikes, ilang pick-up truck at17 buses.

Ayon kay Lacuna, mag-iikot ang mga libreng sasakyan sa lungsod para tumulong sa mga stranded na pasahero hanggat umiiral ang welga mula 5 a.m. hanggang 10 a.m. at muli, sa hapon ng 4 p.m. hanggang 10 p.m.

Anang alkalde, walang gaanong inaasahang epekto ang transport strike sa city government ng Maynila, dahil gumawa na ng hakbang ang kanya-kanyang departamento para may masakyan ang mga kawani nila pagpasok nila sa tanggapan.

Naniniwala din si Lacuna na ang direktiba niya para sa pagsasagawa ng online classes ay inaasahan ding magpapagaan sa epekto ng transport strike.


“At least malaking kabawasan po ito sa gagamit ng public transportation,”ani Lacuna.

Ayon naman kay Dizon, may sapat na pwersa ng mga kapulisan ang naikalat na sa lungsod upang tiyaking payapa at maayos ang transport strike at walang manggugulo sa “Oplan:Libreng Sakay” .

“May mga kapulisan sa lahat ng lugar to ensure peace and order and walang manggugulo sa mga jeep na di sumali sa strike at sa mga gustong mag-avail ng libreng sakay. May mga traffic enforcer din tayong naka-assign sa loob ng mga bus to ensure na maayos,” pahayag pa ni Lacuna.

Sa kanyang maikling mensahe sa deployment ng mga sasakyan, binilinan ni Lacuna ang mga commuters na huwag maniningil sa mga pasaherong stranded na sinikap na pumasok sa kanilang trabaho at ang mga pasahero na maging mahinahon kung stranded man sila.


“Konting pasensiya lamang po at makakarating din naman po tayo sa ating pupuntahan,” mensahe naman ng alkalde sa mga pasahero sakaling sila ay stranded. (JERRY S. TAN)

Tags:

You May Also Like

Most Read

Menu