UMAPELA si Manila Mayor Honey Lacuna para sa blood donations upang matulungan ang mga nangangailangan ng dugo pero walang kakayahang pinansyal.
Sinabi ni Lacuna na ang Sta. Ana Hospital na pinamumunuan ni Dr. Grace Padilla, ay kasalukuyang nagsasagawa ng blood donation drive para sa state-of the art blood bank na naroroon upang punan ang pangangailangan para sa blood transfusions at tulungan ang mga pasyenteng nangangailangan.
Ayon kay Lacuna, na isa ring doktor, ang nasabing SAH blood bank na nasa two-storey building ng nasabing ospital ay nariyan upang lutasin ang pang-araw-araw na problema ng lungsod kung saan kukuha ng dugo para sa mahihirap na pasyente, lalo na ang mga galing sa operasyon o panganganak o may kakaibang kondisyon tulad ng, anemia.
Ang blood bank, ayon pa sa alkalde, ay narito upang magkaroon ng ligtas na pagkukunan ng dugo ang mga pasyente, alinsunod ba rin sa blood program ng Department of Health (DOH) at sa emergency preparedness ng lungsod.
Gayunman, ito ay wala aniyang silbi kung wala ring magdo-donate ng dugo.
Kung walang blood bank, napag-alaman na kahit ang isang pasyente ay mayroon nang certificate of indigency ay kailangan pa rin na gumastos ng P1,200 para sa isang bag ng dugo na kadalasan ay hindi pa laging available.
Dahil dito ay umapela si Lacuna sa publiko, mga residente ng Maynila o hindi man taga-Maynila, na mag-donate ng dugo dahil malaki umano ang maitutulong nito sa mga maysakit at nangangailangan.
“Sa pagbibigay ninyo ng dugo, masasabi nating nakatulong tayo sa kapwa natin Manilenyo…bukas, may makakagamit ng dugo ko,” pahayag ni Lacuna.
Sa bahagi naman ni Padilla sinabi nito na: ” Having an in-house blood bank, the hospital ensures immediate access to a safe and adequate supply of blood products, which is vital for emergencies, surgeries, and the treatment of various medical conditions. meet the demand for blood transfusions and support patients in need.”
Ayon kay Padilla, ang blood donors ay dapat na malusog, edad 18 – 60, may timbang na 110 lbs o 50kg, may sapat na tulog (minimum of five hours), at hindi nakainom ng alak sa loob ng 24 oras.
Ang mga bumibyahe, may piercing at naggagamot ay ia-asses at ang donors ay dapat na hindi nakakain ng matatabang pagkain bago ang mag-donate ng dugo.














