Dahil sa mababang bilang ng mga senior citizens na nagpa-second booster shot na kontra COVID-19, nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa kanila na bumuo ng anim kada grupo at magtungo sa health centers kasama ang kanilang kapwa seniors at magpa-turok na ng 2nd booster shots.
Ikinalungkot ni Lacuna na sa kabila nang ang pamahalaang-lungsod ay nakapagtala ng mataas na 86.9 percent sa bilang mga senior citizens na nabigyan na ng primary shots, ang bilang naman ng mga senior citizens na naturukan na ng second booster shot ay nasa 20.60 percent pa lang. Sa 18-59 aged group naman ay nalagpasan na ng Maynila ang 100 percent.
Ipinaliwanag ng alkalde na kung sa mga menor de edad ay kailangan ang sampung tao para buksan ang isang vial ng bakuna, sa seniors naman ay anim lang ang kailangan.
“Tutal mahilig kayo mamasyal, barka-barkada, pasyalan nyo ang ating mga health center. Mag-form kayo ng anim sa grupo at gawing nyong first leg ang health center sa inyong pamamasyal,” ani Lacuna.
Dagdag pa nito: “Sana, ma-encourage natin ang ating mga lolo at lola, ito naman po ay libre. Tapos habang kayo po ay nasa health center, pa-profile na din kayo sa PhilHealth para lahat ng benefits maibigay sa inyo.”
Nalulungkot umano si Lacuna na sa kabila na binuksan na ng Department of Health ang second booster para sa general population, ang mga senior citizens na siyang priority kasama ang mga health frontliners at mga immunocompromised ay hindi naman nagpapabakuna ng 2nd booster.
“Wag kayo magalit pag nagpunta kayo sa health center at di kayo mabakunahan. Dapat, sapat ang bilang. Kung may kilala kayo na di pa na-booster, yayain nyo sila para mabakunahan,” paliwanag niya.
Nabatid kay Lacuna, na isa ring doktor, na hinihintay na lang nila ang guidelines mula sa DOH kaugnay ng deployment ng second booster shots. Umaasa si Lacuna na maibibigay na ng lungsod ang second booster shots sa general population sa darating na linggo
Sinabi pa ni Lacuna na mayroong pagtaas sa bilang ng mga bagong kaso ng COVID sa lungsod kumpara noong mga nakaraang linggo.
Base sa mga datos na nakalap ng pamahalaang lungsod, sinabi ni Lacuna na ang positivity rate sa Sta. Ana Hospital pa lamang ay nasa 5.45 percent na.
“Biglaan ang pagtaas ng COVID sa lungsod. Tumataas na naman. For the past few weeks, mababa, ngayon sunod-sunod na araw mataas ang cases, so ingat,” ani Lacuna.(JERRY S. TAN)














