Muling binigyang-diin ni Mayor Honey Lacuna sa Ospital ng Maynila na balewala ang magandang ospital kung di tatapatan ng magaling na libreng serbisyo-medikal. (JERRY S. TAN)

MAYOR HONEY SA OSPITAL NG MAYNILA: MAGANDANG BUILDING, DAPAT TAPATAN NG MAGANDANG SERBISYO

By: Jerry S. Tan

“BALEWALA po ang magandang building kung ang serbisyo naman po ay hindi kagandahan.”

Ito ang binigyang- diin ni Mayor Honey Lacuna, kasabay ng pag-ulit sa kanyang palaging direktiba para sa mga taong nasa likod ng operasyon ng “Bagong Ospital ng Maynila” na tiyakin ang pagbibigay ng magaling o de kalidad na libreng serbisyong medikal para sa mga tumutungo doon at nangangailangan ng tulong.

Ipinagmalaki rin ng alkalde ang ‘flagship hospital’ ng lungsod dahil sa ganda nito sa labas at sa loob, bukod pa sa mga modernong pasilidad nito at mga high-tech na kagamitan.


“Buong pagmamalaki ko po na pwedeng ibalita sa inyo na tunay na world- class and ating ospital at patuloy natin itong pagagandahin pa,” pagtitiyak ni Lacuna, na isa ring doktor.

“The hospital can speak for itself. Gaya ng tagubilin ko, sana, kaakibat ng bagong imprastraktura ay mapanatili nating maayos ang pagbibigay ng serbisyo sa lahat ng kliyenteng tutungo sa ating Ospital,” dagdag pa ng alkalde.

Binigyang-diin ni Lacuna na kahit na anong ganda ng ospital o kahit na kumpleto pa ito at high-tech ang mga pasilidad at kagamitan, ang higit na mahalaga pa rin ay ang klase ng serbisyong ibinibigay ng mga kawani ng ospital mula sa director hanggang sa pinakamababang rank-and-file.

Pinasalamatan ni Lacuna ang lahat ng nasa likod ng operasyon ng nasabing ospital, na ayon sa kanya ay nagpakita ng dedikasyon sa pagbibigay ng de kalidad na serbisyo sa mga Manileño na nagpupunta sa ospital para magpagamot.


Ang Ospital ng Maynila ay isa sa anim na ospital na nagbibigay ng libreng serbisyo medikal sa mga residente ng Maynila na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod.

Ito ang itinuturing na ‘flagship hospital’ ng Maynila at siyang pinakamalaki, pinakamatanda, pinakamoderno at kumpleto sa high-tech facilities at equipment.

Bukod sa pagkakaroon ng mga pasilidad na wala ang lima pang ospital sa ibang distrito, ang nasabing ospital na matatagpuan sa Malate ay nakatokang mag-serbisyo sa mga residente ng ika-5 distrito ng Maynila.


Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read