Si Mayor Honey Lacuna kasama sina (mula kanan ) Vice Mayor Yul Servo, MPD chief Gen. Arnold Thomas Ibay at Col. Roderico Roy, Jr., OIC/DDD, sa 123rd anniversary ng MPD. (JERRY S. TAN)

Mayor Honey sa MPD: ‘Wag dungisan ang pangalan

By: Jerry S. Tan

“Huwag nyo sana hayaang madungisan ang magandang pangalan at imahe ng Manila Police District (MPD)!”

“Huwag nyo sana hayaang madungisan ang magandang pangalan at imahe ng Manila Police District (MPD).”


Ito ang naging panawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga pulis-Maynila nang dumalo sa pagdiriwang ng ika-123rd anibersaryo ng MPD nitong Lunes, na pinangunahan ni MPD Director, PGEN Arnold Thomas Ibay, kasama ang kanyang mga station commanders at pinuno ng iba’t ibang unit ng MPD; at sinaksihan rin nina Philippine National Police (PNP) chief PBGEN Benjamin Acorda, Jr., PCOL Roderico Roy, Jr. ng District Directorial Staff at Vice Mayor Yul Servo.

Sa kanyang mensahe, sinabi ng alkalde na sa mahigit dalawang dekada niya sa public office sa lungsod, nasaksihan niya ang husay at galing sa pagseserbisyo ng premier police force, na tinaguriang Manila’s Finest.

Sa dalawang taon naman aniya niya bilang alkalde ng Maynila, naramdaman rin niya ang dedikasyon at malasakit ng mga pulis para sa Maynila at mga mamamayan nito.


Ayon kay Lacuna, bagamat hindi perpekto ang lahat at paminsan-minsan ay may naliligaw ng landas, sa kabuuan naman aniya ay sinisikap ng MPD na maging maayos ang lahat sa kanilang trabaho.

“Sa mahigit dalawang dekada kong paglilingkod sa pamahalaang lokal ng Maynila, nasaksihan ko ang husay at galing ng ating kapulisan. Lalo nitong nagdaang dalawang taon na ako ang napagkatiwalaan ng mga kapwa nating Manilenyo na pamunuan ang buong lungsod. Sa paglulunsad ng mahahalaga nating programa at proyekto ay palagi nating katuwang at kasa-kasama ang Manila Police District. Ramdam ko ang dedikasyon at malasakit ng ating mga kapulisan,” pahayag pa ng lokal na punong ehekutibo.


Dagdag pa niya, “Batid nating di naman perpekto ang lahat. May paminsan-minsan ding namamali ng direksyon ngunit sa kabuuan ay sinisikap ninyo na maging maayos sa lahat ng inyong mga gawain. Di naman natin kailangang maging sobrang talino o sobrang galing. Higit na mahalaga, tayo ay mabuti.”

Sinabi pa ng lady mayor na bilang mga pulis ng MPD, umaasa siyang sila ay magsisilbing huwaran o ehemplo para sa mga mamamayan.


“Magmula sa inyong mga tahanan, sa inyong sariling pamilya, sa pamayanan, sa inyong mga kapit-bahay at mga kaibigan, sa tanggapan, sa inyong mga kasamahan, sa buong kapaligiran, mas maganda na sa inyong pagkatao nakikita ang pagiging isang responsableng mamamayan. Kayo ang mga tinatawag na alagad ng batas, marapat lamang na kayo mismo ay marunong tumupad sa lahat ng patakaran, mula sa mga simpleng mga batas,” aniya pa.

Nanawagan rin naman siya sa mga pulis na ingatan ang tiwala at kumpiyansang ipinagkakaloob sa kanila ng pamahalaang lungsod at ng mga mamamayan at magsilbi ng taas-noo, buong puso, may dedikasyon at byong kababang-loob.

Pinasalamatan rin naman ni Lacuna ang MPD dahil sa kanilang mahusay na serbisyong ipinagkakaloob at sinabing ito ang dahilan kung bakit ang mga Manilenyo ay nakakatulog ng mahimbing sa gabi at nakakapanirahan sa lungsod ng ligtas at payapa.



“Salamat sa pagtupad ninyo sa mga tagubilin ko lalo na pagdating sa intense police visibility kung saan dama ng mga manilenyo ang presensya ninyo sa komunidad, sa pagpapa-iral sa mga pangunahing ordinansa na may kaugnayan sa disiplina ng bawat mamamayan,” ani Lacuna. “Asahan nyo rin na pinagsisikapan nating mabuti na ayusin, linisin, pagandahin, palusugin, pasiglahin at paunlarin ang Maynila. Ipagpatuloy nyo lang ang pagbibigay kapanatagan sa ating mamamayan. Bilang bahagi ng tinatawag na the Manila’s Finest, katuwang ko kayo sa ating layunin na makamit ang isang Maringal na Maynila o Magnificent Manila.”

Tags: Mayor Honey Lacuna, MPD chief Gen. Arnold Thomas Ibay, Vice Mayor Yul Servo

You May Also Like