Nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga opisyal at residente ng lungsod ng Maynila na isapuso ang mensahe ng ‘Bagong Pilipinas’ hymn at oath, matapos na ito ay isama sa ginanap na flagraising ceremony ng Manila City Hall nitong Lunes.
Ayon kay Lacuna, ang pagsama sa ‘Bagong Pilipinas’ oath at hymn ay alinsunod sa Memorandum No. 52 na ipinalabas ng Malacanang kung saan hinihimok ang pagsama ng pag-awit at pag-recite ng Bagong Pilipinas hymn at pledge.
“Akmang-akma ito para sa isang pagbabago na dapat isinasapuso natin para sa isang bagong Pilipinas. Kung kayo ay nakinig sa panata, ito na ang panahon ng pagbabago. Kailangan nating makisabay sa bagong panahon at siyempre, ayaw nating mahuli ang ating lungsod kaya tuwina, sa flag raising ay lagi nating ipinapaalala ang ating mga tungkulin kung paano mapararating sa ating mga kababayan ang tapat, malinis at maayos na pamamahala,” ayon kay Lacuna.
Samantala, hinikayat rin ni Lacuna ang lahat ng pinuno ng mga departamento, kawanihan at mga tanggapan ng Manila City government na bigyan nila ng prayoridad ang mga programa at proyekto na direktang magbibigay ng benepisyo sa mga mamamayan ng lungsod.
Ito ay kasunod naman sa panawagan ng budget officer na si Grace Chua sa kanila na isumite na ang kanilang mga panukalang programa at proyekto at huwag nang hintayin ang deadline para dito.
“Isipin po natin ang priorities para sa mga programa na mas marami ang makikinabang. Sana, ang pondo na nakakalap ay maayos nating magamit nang sa gayon, mas maging efficient ang serbisyo natin sa mga residente,” anang alkalde.
Hinikayat rin naman ni Lacuna ang mga opisyal, empleyado at mga residente ng lungsod na makiisa sa mga aktibidad na nakahanay para sa pagdiriwang ng ika-453rd founding anniversary ng lungsod sa Hunyo 24, 2024.
Pinapurihan ng alkalde ng mga city officials at employees na bibigyan ng pagkilala para sa kanilang pagiging tapat sa serbisyo sa nakalipas na maraming taon.
Nakatakda ring bigyan ng natatanging parangal ang mga ‘Outstanding Manilans’ dahil sa kanilang mahalagang kontribusyon sa pag-unlad ng lungsod sa pagdaan ng panahon.














