Mahigpit na nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga Manilenyo na maging maingat at huwag basta-basta magpapaloko sa mga nakikita o nababasa sa social media.
Kasunod ito ng kumalat na social media posts na may serial killer’ umanong gumagala sa Tondo, na nagdulot ng pangamba at takot sa mga residente.
“Gusto pong ipaalala ng inyong pamahalaan… kung maari po kami po ay nakikiusap sa inyo. ‘Wag po kayo basta-basta naniniwala sa mga nababasa ninyo sa social media. Alam nyo naman po na ang social media minsan po talaga ay hindi nagagamit sa tamang paraan,” sabi ng alkalde.
“… so ‘yung kinakalat po na serial killer sa Balut, Tondo, wala po itong katotohanan. Bagamat may mga hindi maiiwasang pangyayari sa ating lungsod, na nangyayari naman kahit saang lungsod, makakasiguro po kayo na ang atin pong mga kapulisan ay 24/7 na titiyakin ang inyong seguridad dito po sa ating lungsod,” aniya pa.
Paniniguro pa ng alkalde, “Mananatiling payapa at maayos ang ating lungsod paiigtingin pa din po natin ang police visibility.”
Samantala, ganito rin naman ang panawagan ni Manila Police District (MPD) Director PBGen. Andre Dizon, na agad na sinabing ‘fake news’ ang nag-viral na ‘serial killer’ post sa Tondo.
“Patungkol sa kumakalat na video at viral info sa social media, isa itong ‘fake news’ na di dapat sakyan o i-share,” sabi ni Dizon.
Sa press conference nitong Miyerkules ng hapon, iprinisinta ni Lacuna at Dizon ang isang ‘Joel Blandy,’ kung saan ang larawan nito ay nasa social media at binansagan na umanoy serial killer, na mariin namang itinanggi nito.
“Ako po ‘yung nasa picture pero hindi ako serial killer,” sabi ni Blandy.
Mayroon din naman umanong testigo na lumutang at pinatunayan na inosente nga ito.
Samantala, ang mga suspek naman sa pamamaril kamakailan sa Tondo ay nakilala na sina Jay-Jay Martelino at naaresto na rin habang ang isang ‘Ivan’ ay nananatiling at large, at tinutugis na ng kapulisan.