Pinaalalahanan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga nagsipagtapos sa pag-aaral na maghanda nang maaga para sa kanilang kinabukasan at tumingin sa ano mang uri ng kabiguan hindi bilang hadlang, kundi bilang isang pagsubok sa kanilang kakayahan na harapin ang problema at ang kanilang determinasyon na bumangon at sumulong tungo sa kanilang mga layunin:
Sa kanyang pagdalo sa pagtatapos ng 186 mag-aaral mula sa Chiang Kai Shek College (CKSC) sa auditorium ng nasabing kolehiyo,ipinaabot ni Lacuna ang kanyang pagbati sa mga nagsipagtapos at sa kanilang mga magulang para sa napakahalagang tagumpay na ito.
Binanggit pa niya bilang halimbawa ang mga hamon ng buhay mag-aaral sa panahon ng pandemya, tulad ng pag-aaral gaming ang iba’t- ibang modalidad.
Aniya, ang mga karanasang ito ay magsisilbing sandata sa pagharap sa mas maraming pagsubok sa hinaharap at hinikayat din ng alkalde ang mga nagsipagtapos na magpatuloy sa pag-aaral, sapagka’t ang edukasyon ay isang walang katapusang paglalakbay.
Pinuri nya ang CKSC sa pagsasakatuparan ng diwa ng ambisyon, katatagan, at determinasyon at hinimok ang mga nagtapos na magsimula sa mabungang paglalakbay upang maging karapat-dapat na anak ng prestihiyosong paaralan.
Ayon kay CKSC President Dr. Judelio Yap, ang paglahok ni Lacuna sa nasabing pagtitipon ay isang malinaw na patunay ng kanyang matatag na pangako tungo sa pagpapaunlad ng kalidad ng edukasyon para sa mga Manileñyo, kung saan ang Chiang Kai Shek College ay isang pangunahing institusyong pang-edukasyon sa bansa.
Dumalo rin sa nasabing okasyon si Vice Mayor Yul Servo-Nieto, na nagsabing ang CKSC ay isa sa pinakamahalagang katuwang ng lungsod ng Maynila. Binanggit niya ang kamakailang paglagda ng kolehiyo ng isang kasunduan ng ‘sister school’ kasama ang isang paaralan sa Guangzhou, ang kapatid na lungsod ng Maynila.