Umani ng papuri si Manila Mayor Honey Lacuna mula kina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, Jr. at Fr. Jun Sescon, rector at parish priest ng Quiapo Church, dahil sa mga preparasyon ng lokal na pamahalaan para sa pagdaraos ng ”Traslacion’ sa January 9, 2024, ang kauna-unahang pagkakataon na muling gagawin ang prusisyon matapos itong mahinto ng tatlong taon dahil sa pandemya, kasabay ng pahayag ni Abalos na magkakaroon muli ng ‘signal jamming’ habang nagaganap ang prusisyon.
Ang mga pahayag na ito ay isinapubliko sa ginawang walk-through inspection sa Quiapo ng mga opisyal ng pamahalaan na pinangunahan ina Abalos, Lacuna, Sescon, Philippine National Police sa pamumuno ni Gen. Benjamin Acorda, Jr., National Capital Region Office sa pamumuno ni Jose Melencio Nartatez, Jr. at Manila Police Distrtict Director Arnold Thomas Ibay.
Pinasalamatan din ni Abalos ang iba pang ahensiya gaya ng PNP, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire at Philippine Coast Guard para sa kanilang gagampanang papel sa ‘Traslacion.’
Samantala ay muling hinikayat ni Lacuna ang mga deboto na magsuot ng face masks na ipamimigay ng local government sa mga magtutungo sa simbahan habang sila ay dumaraan sa inilagay na x-ray machine patungong Quiapo Church, kung saan gagawin ang isang buong araw na misa.
Pinapayuhan din ng alkalde ang mga deboto na sundin ang mga payo ng mga awtoridad tungkol sa mga ipinagbabawal na gawin o dalhin, kasabay ng panawagan sa mga may kapansanan, may sakit at buntis na huwag nang lumahiok sa prusisyon dahil mapanganib ito para sa kamila, at huwag nang magdala ng mga bata, dahil aniya ay maaari namang panuorin ang prusisyon mula sa isang ligtas na distansya.
Nagpahayag naman ng kasiyahan si Sescon sa ginawa ng local government sa ‘Pahalik’ at sa kabila ng napakahabang pilana aniya ay naging maayos at mapayapa.
Samantala ay humingi naman ng pang-unawa si Abalos sa publiko sa planong signal jamming at sinabing ito ay para sa kabutihan ng lahat. Ang signal jamming ay awtomatikong ginagawa tuwing may ‘Traslacion.’
Nanawagan din si Lacuna sa mga deboto at mga manonood na itapon sa wastong sisidlan ang kanilang mga basura, kasabay ng pagbibigay ng direktiba kay department of public services chief Kayle Nicole Amurao na tiyaking nakabuntot ang mga street sweepers at trak ng basura sa prusisyon para agad na linisin ang mga kalye na dadaanan ng ‘Traslacion’.
Inihayag din ng alkalde na nagtayo ang lokal na pamahalaan ng field hospital sa Bonifacio Shrine sa pangangasiwa ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office sa pamumuno ni Arnel Angeles, kung saan ang minor casualties ay maaring dalhin at kaagad na malapatan ng pangunahing lunas.