Kasama ni Mayor Honey Lacuna sina (kanan) Vice Mayor Yul Servo at (kanan ni Lacuna) Congressman Irwin Tieng sa pamamahagi ng monetary assistance mula sa "Kadiwa ng Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.," na isinagawa sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng office of the mayor. (JERRY S. TAN)

MAYOR HONEY, PINANGUNAHAN ANG SABAY-SABAY NA PASASALAMAT KAY PBBM PARA SA ‘KADIWA” PROGRAM NITO

By: Jerry S. Tan

“Maraming, maraming salamat, Pangulong Bongbong Marcos, Jr.!!!”

Ito ang sabay-sabay na winika nina Manila Mayor Honey Lacuna, kasama ang mga opisyal ng lungsod at may 5,000 barangay tanod mula sa District 5, nang pangunahan niya ang pamamahagi ng tulong-pinansiyal sa mga ito at bilang pasasalamat sa palagiang pagsama sa Maynila ng Pangulo sa kanyang mga programa.


Nag-selfie si Vice Mayor Yul Servo kasama sina (ikalawa mula kaliwa) Mayor Honey Lacuna, (kanan) MDSW chief Re Fugoso at (ikatlo mula kaliwa) Congressman Irwin Tieng, sa pamamahagi ng monetary assistance ng “Kadiwa ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.,” sa San Andres Sports Complex. (JERRY S. TAN)

Niyaya ni Lacuna ang mga tanod na sabay-sabay silang magpahayag ng pasalamat bago umpisahan ang pamamahagi ng monetary assistance mula sa “Kadiwa ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.,” na isinagawa sa pakikipagtulungan ng city government of Manila sa pamamagitan ng tanggapan ng alkalde.

Si Lacuna ay sinamahan nina Vice Mayor Yul Servo, Congressman Irwin Tieng (5th district), Manila department of social welfare chief Re Fugoso at mga city councilors sa nasabing distribusyon ng cash assistance sa mga barangay tanod na ginanap sa San Andres Sports Complex.

Sa kanyang maiksing mensahe, pinangunahan ni Lacuna ang lahat ng naroroon sa pagpapahayag ng kanilang pasasalamat kay Pangulong Marcos, Jr. dahil hindi umano nawawala sa isip nito ang lungsod ng Maynila sa tuwing may benepisyong ibinababa sa mga lungsod.


Ibinahagi ni Lacuna na nang sabihin sa kanya ni Fugoso ang magandang balita na naglalaan ng pondo ang national govermment para sa Lungsod ng Maynila, ay agad niyang naisip ang mga barangay tanod.

“Ang sabi ko, bigyan naman natin ang mga tanod kasi parang kayo ang di masyadong napapansin, kaya naman talagang ginawan namin ng paraan sa tulong ng barangay bureau at MDSW. Sabi ko, pasayahin naman natin ang tanod ng buong Maynila,” pahayag ng alkalde. Bawat isang tanod ay tumanggap ng P2,000 sa nasabing programa.


Ibinalita din ng alkalde na ayon sa Pangulong Marcos, Jr., ang naturang ayuda ay magkakaroon pa ng mga kasunod.

Bago ang distribusyon ng nasabing pondo, ipinahayag ni Lacuna ang kanyang taos-pusong pagtanaw ng utang na loob sa mga barangay tanod: “salamat sa mga taong araw-araw tumutulong sa barangay.”


Sinundan nina Servo at Tieng ang pahayag ni Lacuna nang pasalamatan din nila ang Pangulong Marcos, Jr. para sa kanyang tulong sa lungsod at pinasalamatan din nila ang mga barangay tanod sa kanilang dedikasyon sa serbisyo.

Sinabi ni Servo na ang Maynila ay tumatanaw ng utang na loob kay Pangulong Marcos, Jr. dahil laging kasama ang Maynila sa mga proyekto nito.

Ginarantiyahan naman ni Tieng na gagawin niya ang lahat sa abot ng kanyang makakaya bilang Congressman upang tulungan ang pamahalaang-lungsod ng Maynila na makakuha mula sa national government ng lahat ng pupuwedeng tulong.



Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like