PINANGUNAHAN ni Manila Mayor Honey Lacuna ang selebrasyon ng 122nd founding anniversary ng Manila Police District (MPD) nitong Martes, Pebrero 21 sa isang simpleng seremonya na ginanap sa United Nations Avenue, Ermita, Manila.
Nagpahayag ng kanyang pagmamalaki ang alkalde sa MPD at sa kung paano pinaninindigan nito ang reputasyon bilang nangungunang police district sa bansa.
Sinamahan ang lady mayor nina Philippine National Police Chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. at MPD Director PBGen. Andre Dizon sa pangunguna nito sa wreath-laying ceremony na sinundan ng 21-gun salute. Ang nasabing event ay ginawa sa UN Avenue sa harap ng MPD Headquarters.
Sa nasabing founding anniversary ng MPD, pinuri ni Lacuna ang liderato nito sa ilalim ni PBGen. Dizon, gayon din ang mga kalalakihan at kababaihan sa likod ng MPD at sinabing dahil sa kanila, ang mga taga-Maynila ay nakakatulog nang mahimbing tuwing gabi.
“Taos-pusong pagbati sa ating maipagmamalaking Manila’s Finest. Saludo tayo sa buong pwersa ng mga pulis-Maynila!,” sabi ni Lacuna.
Muli ay binanggit ng alkalde na ang Maynila ay walang puwang para sa mga iligal na gawain, tulad ng droga na bumibiktima at sumisira ng buhay at pamilya.
Pinuri din ni Lacuna sa matagumpay at maayos na pagdaraos ng mga malalaking selebrasyon sa lungsod, kabilang na ang Christmas at New Year’s Day, Feast of the Black Nazarene at ang Feast of the Sto. Nino na sabay na ginawa sa Tondo at Pandacan.
Tiniyak naman ni Lacuna sa MPD na ang city government ng Maynila ay patuloy na susuporta sa kanila sa lahat ng paraan bilang pagpapakita ng pagpapahalaga sa mga kapulisan ng MPD sa papel na kanilang ginampanan noong kasagsagan ng pandemya at sa pagpapanatilng ligtas ng lahat ng kalye sa lungsod sa lahat ng uri ng krimen.
Bilang panghuli ay pinuri din ni Lacuna si Dizon sa pagpapanatili ng pamantayang nauukol sa Maynila pagdating sa peace and order situation na ginagabayan ng basic principle na ‘where Manila goes, the country goes.” (JERRY S. TAN)














