Pasok si Manila Mayor Honey Lacuna sa ‘top five performing mayors’ sa National Capital Region (NCR).
Ito ay batay na rin sa resulta ng prestihiyosong “Social Pulse Survey: Pulso ng Bayan para sa Agosto 2024”, na nagpapakita sa top performing mayors sa Metro Manila.
Bilang reaksiyon ay pinasalamatan naman ni Lacuna ang survey body at sinabing ang naturang pagkilala ay naging posible dahil sa dedikasyon at suporta ng kanyang mga kapwa city officials at mga empleyado.
Nangako rin ang alkalde na gagamitin niya ang naturang pagkilala bilang inspirasyon upang patuloy na pagsilbihan ang mga Manilenyo sa pinakamagaling na abot ng kanyang makakaya.
Bukod kay Lacuna na nakakuha ng 88.7% na performance rating ay nanguna rin sa survey sina Quezon City Mayor Joy Belmonte, na nakakuha ng 91.1% approval rating; Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, na may 90.6%; Pasig City Mayor Vico Sotto na may 90.1% at Makati City Mayor Abby Binay, na may 89.3% na rating.
Maganda rin ang naging performance at pasok sa Top 10, sina Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian na may 87.3%; Paranaque City Mayor Eric Olivares na may 86.8%, Navotas City Mayor John Rey Tiangco na may 85.4%; Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na may 83.2% at Malabon City Mayor Jeannie Sandoval na may 82.8%.
Nabatid na ang naturang survey ay base sa feedback mula sa mga adult respondents at mayroong margin of error na ±3% at confidence level na 95%.
Ang naturang survey ay nag-aalok ng ‘reliable insight’ sa public approval sa mga lider ng rehiyon at layunin umano nitong sukatin ang sentimiyento ng publiko hinggil sa performance ng local leaders sa bansa.














