SUMAPI na si Manila Mayor Honey Lacuna, presidente ng ruling local party sa Maynila, na Asenso Manileño, sa Lakas-Christian Muslim Democratcs (CMD) na pinamumunuan ni House Speaker Martin Romualdez at pinakamalaking political party sa Congress at sa bansa, sa paniwalang malaki ang maitutulong nito upang higit pang lumakas pa ang kanyang mga nakalinyang programa para sa mga residente ng Maynila.
“Nagpapasalamat po ako sa tiwalang ibinigay nila at sa pagtanggap sa akin bilang bagong kasapi ng partidong LAKAS sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez. Umaasa ako sa mga makabuluhang mga proyekto at programa na mapagtutulungan namin ng LAKAS para sa Lungsod ng Maynila na ikabubuti ng bawat Manileño,” ani Lacuna.
Lima sa anim na congressmen ng Maynila na sina Rep. Joel R. Chua, Rep. Bienvenido Abante, Jr, Rep. Rolando Valeriano, Rep. Irwin Tieng at Rep. Edward Maceda, ang sumaksi kabilang na si Vice Mayor Yul Servo, nang manumpa si Lacuna bilang bagong kasapi ng Lakas-CMD, kung saan mismong si Romualdez na Presidente ng partido ang nagpanumpa sa alkalde. Dumalo rin sa simpleng seremonya na ginawa sa Social Hall ng Speaker’s Office sa House of Representatives noong Martes ng hapon ang mga Asenso Manileño councilors.
Sa isang pahayag sinabi ni Lacuna na sumapi siya sa Lakas :“because its party principles and platform are aligned with mine and will ultimately be most gainful for all Manileños.”
“I am grateful to my partner, Vice Mayor Yul Servo-Nieto, to our five Manila congressmen and the 21-strong majority councilors for their steadfast support and loyalty,” ani Lacuna.
Sa kanyang bahagi,, sinabi naman ni Romualdez na mainit niyang tinatanggap si Lacuna sa Lakas-CMD at karangalan umano ito ng partido dahil naniniwala siya na ang alkalde “would provide significant contributions in upholding the principles and objectives of Lakas-CMD, reinforcing the party’s dedication to serving the Filipino people.”
Binanggit din ni Romualdez ang leadership, experience at commitment ni Lacuna na magsilbi sa kanyang nasasakupan:“to greatly enhance our collective efforts to support the Agenda for Prosperity of President Ferdinand R. Marcos, Jr. and his vision for ‘Bagong Pilipinas.’
Binigyang diin pa ni Romualdez ang ‘strategic importance’ ng mga bagong miyembro ng partido sa suporta sa mga programa at polisiya ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr..
Matatandaan na si Lacuna ay nakapagtala ng kasaysayan bilang kauna-unahang babae na naging alkalde ng Maynila noong 2022, kung saan nananalo siya ng may napakalaking agwat sa kanyang mga kalaban na pawang nabibilang sa malalaking political clans sa lungsod.
Sa nasabing eleksyon ay nakopo rin ng partidong pinamumunuan ni Lacuna na Asenso Manileño, ang lahat ng lokal na posisyon mula mayor, vice mayor, Congressmen at city councilors.