“BE magnanimous in victory, gracious in defeat.”
Ito ang apela ni Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng kandidato sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, kasabay ng panawagan niya sa lahat ng mga boboto na bigyan ng halaga ang kanilang karapatang bumoto.
“Sa Lunes, ika-30 ng Oktubre, lahat tayong mga botante ay inaasahang pumunta sa ating mga presinto upang bumoto para sa mga nais nating mamuno sa ating mga barangay. Sa nagdaang ilang araw ng kampanya, sana’y napag-aralan nating mabuti kung sino ang sa palagay natin ay pawang karapat-dapat na bigyan ng ating tiwala,” pahayag nito.
“Ang pamunuan ng ating barangay ang unang-una sa hanay ng istraktura ng ating pamahalaan. Sila ang mas agad nating nalalapitan at natatakbuhan. Sila ang mas malapit at kilala natin. Kaya’t pahalagahan natin ang ating boto,” dagdag pa ng alkalde.
Bukod sa pagpaparating ng ‘good luck” sa ahat ng kandidato, pinasalamatan din ni Lacuna ang lahat ng ito sa pag-aalay ng kanilang sarili sa larangan ng serbisyo- publiko.
Nanawagan din ang alkalde sa mga kandidato na magkaisa para sa malinis, maayos at payapang halalan at tanggapin kung anuman ang maging hatol ng mga botante.
Samantala, kaugnay pa rin ng paparating na halalan ay nagsagawa ang alkalde ng command conference kasama ang mga opisyal ng Manila Police District (MPD) sa City Hall, kasama ang kanyang chief of staff na si Joshue Santiago at ang bagong-upong MPD Director na si Col. Arnold Thomas Ibay,
Ang alkalde ay nag- convene ng peace and order forces ng lungsod upang ipaalala sa mga kinauukulan ang kani-kanilang tungkulin kaugnay ng darating na Barangay at SK Elections sa October 30,2023.
Samantala, tiniyak naman ni Ibay sa alkalde ang kahandaan ng lahat ng kapulisan ng MPD sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ng Maynila sa panahon ng eleksyon at Undas.














