Latest News

Si Mayor Honey Lacuna kasama si (kaliwa niya) social welfare department chief Re Fugoso at (4th at fifth mula kaliwa ni Lacuna) PESO chief Fernan Bermejo at civil registry office chief Encar Ocampo.

MAYOR HONEY, NANAWAGAN NA MAGING RESPONSABLENG MAGULANG SA PANGUNGUNA SA NATIONAL CHILDREN’S MONTH

By: Jerry S. Tan

Nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga residente ng Maynila na maging responsableng mga magulang nang pangunahan ang pagdiriwang ng lungsod ng National Children’s Month sa lungsod.

“Bilang Ina ng Lungsod, ako ay nananawagan sa lahat ng mga magulang at sa mga nagpaplanong maging magulang, na sa bawat maligayang sandali ng inyong pakikipagniig, nawa’y maisip ninyo nang mabuti ang katuwang na responsibilidad sa mga magiging bunga ng inyong pagmamahalan,” ani Lacuna.

“Ang pagmamalasakit ng inyong pamahalaan ay lagi ninyong maaasahan, ngunit ang pangunahing proteksyon at ang pangangalaga sa mga bata ay nagsisimula at higit na inaasahan sa pamilya at tahanan. Huwag nating hayaang maging biktima ang ating mga anak ng ating sariling kapabayaan,” dagdag pa niya.


Ipinaliwanag ng alkalde na ang lahat ng ginagawa ng magulang ay ginagaya ng kanilang mga anak kaya’t mahalagang maging mabuting ehemplo ang mga ito sa kabataan.

Tiniyak rin ni Lacuna na patuloy na ginagampanan ng lokal na pamahalaan ang tungkuling protektahan ang karapatan ng mga kabataan sa lungsod.

Ayon kay Lacuna, maraming programang inilatag ang kanyang administrasyon para sa kapakanan at kaligtasan ng mga bata n karamihan ay nasa ilalim ng pangangasiwa ni social welfare department head Re Fugoso.

Kabilang aniya dito ang pinalakas na libreng health services sa pamamagitan ng health cluster na binubuo ng anim na local hospitals at ng Manila Health Department at pre-natal care sa mga health centers na kinabibilangan ng pagkakaloob ng ultrasound sa mga buntis.


Ang mga paslit na edad 0-12 na buwan naman ay pinagkakalooban ng pamahalaang-lungsod ng libreng bakuna. Ngayong taon, nasa 59% o 22,092 sanggol ang nabigyan ng libreng mga bakuna.

Samantala, nasa 150% naman ng mga bata ang sumailalim sa ‘Operation Timbang’ habang ang 7% naman ng stunted growth conditions o pagka-bansot ay natugunan na ng lokal na pamahalaan.

Pinaigting rin umano nila ang libreng programang pangkulusugan sa mga pampublikong paaralan sa lungsod habang simula noong Enero, ang mga minors with disability (MWDs), ay isinama na rin sa listahan ng mga sektor na tumatanggap ng monthly financial allowance mula sa pamahalaang lungsod.

Sa kasalukuyan naman, mahigit sa 26,500 kabataan rin ang naka-enroll sa may 474 childhood development centers sa lungsod, habang inilunsad na rin ng lungsod ang ‘Supervised Neighborhood Play’ sa mga barangay, bilang alternative daycare.


Regular din ang pagdaraos ng supplemental feeding ng lungsod sa mga kabataan, kasama na ang pagkakaloob ng libreng uniporme, bag, sapatos at school supplies.

Tags:

You May Also Like

Most Read