NANAWAGAN si Mayor Honey Lacuna sa mga kawani at residente ng Maynila na tulungan ang lokal na pamahalaan na himukin ang iba pang mamamayan na magbayad ng kanilang buwis.
Aniya, sa ganitong paraan, ang pondo ay papasok at ang pamahalaan ay magagawang tustusan ang mga bagong proyekto para sa benepisyo ng mga taga-;ungsod.
Sa kabilang banda, nanawagan naman si Lacuna sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan na siguraduhing ang pondo ng bayan ay kanilang gugugulin sa wasto at matiipid na pamamaraan..
“Tulungan nyo po kami, magtulong-tulong po tayo na mahikayat ang ating mga kababayan na tupdin ang kanilang mga responsibilidad dito sa ating lungsod at sa mga kapwa natin kawani na gamitin nang maayos ang ating pondo, nang sa gayon po ay maabot natin ang ating minimithing Magnificent Manila,” ani Lacuna.
Kaugnay nito ay tiniyak ng lady mayor sa mga Manileño na ang mga infrastructure projects ng lungsod sa ilalim ng kanyang administrasyon ay tuloy-tuloy katulad na lamang ng newly-rehabilitated Dr. Albert Elementary School sa Sampaloc.
“Tuloy-tuloy ang ating pagsasaayos ng ating napakaraming infrastructure projects dito sa lungsod ng Maynila… Ito po ay dala ng ating masinop at maayos na paggamit ng kahit kakapiranggot nating yaman dito sa lungsod,” ayon pa sa alkalde.
Samantala, sinabi ni Lacuna na ang daloy ng flagraising ceremony sa Manila City Hall tuwing Lunes ay kanilang binago alinsunod sa Republic Act 8491 o Flag and Heraldic Code of the Philippines.
Aniya, ang pagtataas ng watawat ang siyang uunahin bago ang dasal at “ganyan na po ang magiging takbo ng flag ceremony natin.”














