Nagpahayag ng pasasalamat si Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng residente ng Maynila na ayon sa kanya ay ginampanan ang kanilang obligasyon sa pamamagitan ng pagbabayad ng kanilang dues and taxes sa pamahalaang-lungsod.
Sinabi ni Lacuna na ang lungsod ay planong dagdagan ang mga paaralan at magtatayo din ng ‘Kalinga’ Center sa lungsod. Ang nasabing center ay ibinatay sa regular barangay fora ng alkalde na ‘Kalinga sa Maynila’ kung saan dinadala mismo ng kayang pamahalaan ang mga libreng basic services direkta sa mga barangay.
Inanunsyo din niya ang planong pagtatayo ng bagong tahanan para sa Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) na pinamumunuan ni Arnel Angeles, sa loob din mismo ng lungsod. Binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng MDRRMO na rumeresponde sa mga emergencies at kalamidad.
“Isa lamang po itong dahilan kung bakit patuloy tayong nagsisinop sa pondo ng ating lungsod. Kaya ang ating pasasalamat sa mga kababayang ginagampanan ang kanilang obligasyon sa pagbabayad ng buwis… napakalaking tulong nang sa gayon, ang lahat ating mga plano sa ating lungsod na kapaki-pakinabang ay mangyayari,”ani Lacuna.
Pinasalamatan ni Lacuna hindi lamang ang mga responsableng city residents kundi maging ang local finance committee, city treasurer’s office, business permit, license office, electronic data processing office, city assessment office, Manila Health Department at lahat ng units ng local government, sa kanilang pagsisikap na tumulong sa kanyang administrasyon.
Dahil dito ay nanawagan siya sa lahat ng tanggapan, bureaus and departments na may kinalaman na patuloy na tumulong sa abot ng kanilang kakayahan upang hikayatin ang mga residente na magbayad nang tama at nasa oras.
Mula Enero 23, ang filing ng application para sa business permits and licenses at payment of taxes and fees ay pinalawig hanggang February 9, 2024. Ito ay walang surcharge o penalty.
Gayunman, ang mga magpa-file sa extension period ay wala nang 10 percent discount na ibinigay para lamang sa mga nagbayad hanggang January 22, 2024.