IPINAABOT ni Manila Mayor Honey Lacuna ang taos-puso nitong pasasalamat sa lahat ng nagbigay ng suporta at pagtitiwala at mga sumama sa kanilang kampanya at sa prinsipyo ng kanilang grupo at kampanya, kasabay ng pahayag na kanyang tinatanggap ang naging pagpapasya ng mayorya ng mamamayan ng Maynila.
“Nais kong ipahayag ang taos puso kong pasasalamat sa lahat ng mga nagtiwala, tumulong, sumama, nakiisa at nakibahagi sa ating paninindigan. Maraming salamat sa mga naglaan ng panahon, sa mga nag-alay ng kanilang lakas, talino at kakayahan, sa pagsama sa ating kampanya. buong kababaang loob nating tinatanggap ang kapasyahan ng higit na nakararami sa atin,” ani Lacuna.
Sinabi pa nito na tapos na ang eleksyon at panibagong yugto ng demokrasya ang nasaksihan.
Aniya, ” election day is the only time when people from all walks of life have equal power.’
Pinasalamatan rin ni Lacuna ang mga residente ng Maynila sa pagbibigay sa kanya ng natatanging opurtunidad at pribilehiyo na maging kauna-unahang babaeng alkalde sa kasaysayan ng Maynila.
“Buong pagpapakumbaba kong ipinagkakapuri ang malaking karangalan na ipinagkaloob ninyo sa akin. Mula noon at magpahanggang ngayon, taas noo nating inaalay ang tapat at totoong serbisyo sa mamamayang Manilenyo. Habang buhay kong handog sa inyo ang pagmamahal ng isang ina at kalinga ng isang doktora,” pahayag pa ni Lacuna.
“Muli, ang taos puso kong pasasalamat sa inyong lahat. Sa Diyos natin ibigay ang kapurihan at karangalan dahil sa Kanya nagmumula ang pinaka-magandang plano para sa bawat isa. Patuloy nating gawing makabuluhan ang bawat hakbang sa paglalakbay natin sa mabiyayang buhay. Ang pagmamahal ninyo at pagtitiwala sa Pamilya Lacuna, magmula pa sa aking ama na si Danny Lacuna, ay hinding hindi ko malilimutan magpakailan man. Mahal na mahal ko kayong lahat mga kapwa ko Manilenyo. Pagpalain tayong lahat ng Poong Maykapal.” pagtatapos ni Lacuna sa kanyang mensahe.














