NAGPADALA si Manila Mayor Honey Lacuna ng tulong para sa mga residenteng labis na naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Kristine sa Naga City.
Napag-alaman na batay sa atas ni Lacuna, tumulak na dakong alas-6 Huwebes ng gabi patungong Naga City ang 14-man rescue team ng Manila District Risk Reduction Management Office (MDRRMO) na pinamumunuan ni Arnel Angeles.
Ang nasabing team ay inatasan ng alkalde na maghatid ng mobile water filtration system, dalawang “Ondoy” rescue boats na may outboard motor, dalawang rescue trucks at isang transporter truck.
Direktang nakipag-ugnayan si Lacuna at MDRRMO sa mga opisyal ng Naga City kaugnay ng pagpapahatid ng tulong sa nasabing lalawigan.
“Help is coming. Maraming salamat sa inyo, mga kawani ng MDRRMO na tutulak papuntang Naga ngayong gabi. Mag-ingat kayo,” ani Lacuna.
Samantala, tinitiyak naman ni Lacuna sa mga residente ng Maynila na kahit nagpadala ang pamahalaang-lungsod ng tulong sa Naga City ay hindi mababawasan ang kahandaan ng lokal na pamahalaan na aniya ay nananatiling may sapat na puwersa upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga residente ng lungsod sa gitna ng bagyo.
“Tinitiyak ko po na handang-handa pa rin po ang Maynila at sapat ang ating pwersa para tugunan ang anumang kakailanganin ng ating lungsod na may kinalaman sa anumang bagyo o sakuna, kahit pa may rescue and emergency team tayong ipinadala sa Bicol,” saad ni Lacuna.