Naghatid ng karangalan sa lungsod ng Maynila si Manila Mayor Honey Lacuna matapos na mapili bilang speaker sa Harvard College Project for Asian and International Relations (HPAIR) 2024 Harvard Conference na ginanap sa Boston mula Pebrero 9 hanggang 11, 2024.
Npag-alaman na pinagsama-sama sa naturang conference ang mga nilalaman ng mundo ng akademya at negosyo na pinakinabangan ng mga delegado sa pagkakaroon ng mas malawak na exposure sa mga isyu na sumasaklaw sa maraming arena, kabilang ang pampulitika, panlipunan, pang-ekonomiya, kultura at negosyo.
Bukod sa iba’t -ibang kilalang tao sa larangan ng negosyo, edukasyon, serbisyo-publiko at marami pang iba, sinabi ni Lacuna na nakilala at naka-ugnayan niya ang mga delegasyong Pilipino mula sa iba’t -ibang unibersidad sa Pilipinas.
Batay sa pamagat ng conference ngayong taon, “Chartering New Horizon: Mapping Present and Future,” sinabi ng alkalde na hinamon siyang ibahagi ang kanyang karanasan bilang isang public servant.
Ayon kay Lacuna, tatlong dekada na siya sa gobyerno at ang nasabing mga taon ay kanyang iginugol sa paglilingkod sa mga Manilenyo.
Ibinahagi aniya niya ang kanyang karanasan sa mga kalahok sa naturang pagtitipon at umaasa siyang may natutunan sila dito.
“Sa aking mahigit na tatlong dekadang iginugol sa paglilingkod sa ating Manileño, ibabahagi natin ang ating mga karanasan na maaaring mapagtuunan ng aral ng mga delegasyon mula sa iba’t ibang sulok ng mundo,” anang alkalde.
“Aking iwawagayway ang bandila ng Pilipinas sa mundo, at ang bandila ng Maynila bilang ikalawa sa naimbitahan magsalita dito sa international conference na ito,” dagdag pa niya.
Ang HPAIR ay itinatag noong 1991 upang lumikha ng isang forum of exchange para sa mga mag-aaral at mga batang propesyonal upang talakayin at alamin ang tungkol sa pinakamahalagang isyung pang-ekonomiya, pampulitika at panlipunang kinakaharap ng rehiyon ng Asia-Pacific.