Latest News

MAYOR HONEY, LUMUSOB SA BAGYO SA PAG-ASIKASO SA MAYNILA AT MGA RESIDENTE; EVACUEES, UMABOT SA 2,200

By: Jerry S. Tan

HINDI inalintana ni Mayor Honey Lacuna ang malakas na bagyo nang lumusong ito sa baha, sumakay ng bangka at personal na mag-ikot sa lungsod ng Maynila, para pangunahan ang pagmo-monitor sa pagsasagawa ng mga kautusang kanyang inilabas para matugunan ang mga problemang dulot ng malakas ba pag-ulan at pagbaha sa iba’t-ibang bahagi ng na dulot ng bagyong Carina at habagat.

Partikular ding inalam ni Lacuna ang kalagayan ng mga evacuees at mga residenteng senior citizens, maysakit at PWDs na kinakailangang mailikas sa gitna ng mga pagbaha.

Nagpalabas din ng serye ng direktiba ang ang alkalde upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan ng Maynila.


Alas-3 pa lamang Miyerkules ng umaga nang iatas nito ang suspensyon ng lahat ng klase sa lahat ng antas pati na rin ng trabaho sa lahat ng unit ng lokal na pamahalaan, liban na lamang yaong mga naghahatid ng pangunahin at mahahalagang serbisyo gaya ng social services, health services at disaster at calamity preparedness, response measures at iba pa.

Ipinag-utos rin ng alkalde ang agarang paglilikas sa mga residenteng naninirahan sa mga binahang lugar at ipinatiyak na naibibigay ang kanilang mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, tubig, gamot at iba pa.


Sa gitna ng kanyang ‘live’ na pag-iikot upang ipakita ang mga binahang bahagi ng lungsod ay mahigpit na nanawagan si Lacuna sa mga residente na manatili na lamang sa kanilang mga tahanan kung hindi rin lamang naman sobrang importante na sila ay lumabas pa.

“These suspensions are aimed at ensuring the safety of all city employees and residents amid the adverse weather conditions. So please, stay home. In the meantime, essential services will continue to operate to ensure that the needs of Manileños are met during this challenging time,” ani Lacuna.


Inalerto ng alkalde gabi pa lamang ng Martes ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office na pinamumunuan ni Arnel Angeles, Manila Social Welfare Department na pinamumunuan ni Re Fugoso, Manila Health Department na pinamumunuan ni Dr. Arnold Pangan at ang lahat ng city-run hospitals sa anim na distrito ng lungsod.

Maging ang Manila Police District (MPD) at Bureau of Fire Protection (BFP) ay naka-alerto rin bilang siyang nangangasiwa sa rescue operations.

Nanawagan rin siya sa mga magulang na huwag hayaang maligo sa tubig-baha ang kanilang mga anak, dahil napakadelikado aniya nito, kasabay ng pagpapauwi sa mga batang kanyang nadadaanan na naliligo sa tubig-baha.

Ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at MDRRMO ay inatasang magbantay din sa lahat ng apektado ng baha habang sina Department of Engineering and Public Works (DEPW) head Engineer Andres at City Electrician’s Office chief Engineer Randy Sadac ay inatasan na suriin anag mga apektadong electrical wirings at poste, bukod sa mga natumbang structures at puno.

Samantala, tiniyak ni Lacuna ang palagian at mabilisang pagbibigay ng updates sa mga rescue at evacuation operations ng lungsod.

Nananatili umano sa evacuation centers ang mga inilikas Martes pa lang ng umaga, habang ang pag-iikot ay tuloy lamang upang tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng taga-Maynila at malaman kung may kinakailangan pang ilikas.

Lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod ay ginawa munang pansamantalang evacuation sites para sa mga residenteng apektado ng kalamidad.

Ang lahat ng mga ospital sa anim na distrito ng lungsod ay nasa ‘code white’, habang nakahanda ang mga gamot medications para sa prophylaxis laban sa leptospirosis.

Habang isinusulat ang balitang ito ay umabot na sa 2,200 ang bilang ng mga nailikas dahil sa bagyo.#

You May Also Like

Most Read