Hinihimok ni Manila Mayor Honey Lacuna ang publiko na bisitahin ang taunang “Paskuhan sa Mehan Garden” malapit sa Manila City Hall.
Aniya, ang nasabing Christmas activity na nagsimula noong December 15 ay siguradong kagigiliwan ng mga bisita dahil sa daily lights and sounds shows at bazaar mula sa mga piling exhibitors na nagtitinda ng mga iba’t-ibang uri ng regalo at mga pagkain.
“Tara na’t magfood trip at makipagkantahan kasama ang pamilya, katrabaho, kaibigan, o ka-ibigan. Huwag palalampasin ang iba’t ibang mga lokal na putahe at mga bilihin,” sabi ni Lacuna.
Samantala ay pinapurihan ni Lacuna sina permits bureau chief Levi Facundo at tourism department chief Charlie Dungo sa kanilang proyekto na layuning makatulong sa mga maliliit na negosyante at makalikha ng trabaho eksakto sa Kapaskuhan.
Sinabi ni Lacuna na ang nasabing lugar ng Christmas actitivity ay isang open air na pasyalan at dahil dito ay malayo ang tsansang mahawa ng COVID, ito ay bukod pa sa libre ang admission dito.
Kaugnay niyan ay inulat ni Facundo kay Lacuna na pumatok ang nasabing food festival sa mga grupo at mga pamilya na dumadalaw sa Mehan Garden araw-araw upang mag-enjoy sa ambience at mga live performances na makikita rin sa ‘Paskuhan sa Mehan Garden’ na pawang walamg bayad.
Ayon kay Facundo, ang ‘Paskuhan sa Mehan Garden’ ay bukas araw-araw mula 4 p.m. hanggang 11 p.m. hanggang January 1, 2023.
“We have street foods, grilling stations, ice cream novelty or gift items, memorabilias, photo booths, arcade and toys, among others,” aniya padagdag pa.
Ayon pa kay Facundo, may 70 stalls na nag-o-operate sa nasabing venue at ang mga may-ari nito ay sa nagbabayad ng halagang P40 kada araw lamang. (JERRY S. TAN)














