ITINANGHAL si Manila Mayor Honey Lacuna bilang ikatlo sa “Pulso ng Bayan: Top Performing Mayors of the National Capital Region” sa survey na isinagawa nitong buwan ng Disyembre 2024.
Ang nasabing survey ng December ay ibinase sa mga ‘outstanding performance’ ng mga local chief executives sa National Capital Region (NCR).
Ang listahan ay pinangunahan ni Mayor Joy Belmonte ng Quezon City na may approval rating na 92.7%. Siya ay ‘statistically tied’ kay Mayor Vico Sotto ng Pasig City, na nakakuha ng 92.3%.
Sumunod bilang ‘top performers’ sina Mayor Emi Calixto-Rubiano ng Pasay City na may 91.6%; Mayor Honey Lacuna ng Maynila na nakakuha ng 90.5% at Mayor Abby Binay ng Makati City, 89.2%.
Bilang reaksyon ay pinasalamatan ni Lacuna ang Pulso ng Bayan at lahat ng bumoto para sa kanya at tiniyak niya na ang kanilang tiwala at pananalig ay magsisilbing inspirasyon upang higit pang pagbutihin ng kanyang administrasyon ang pagbibigay ng serbisyo sa mga darating pang araw, buwan at taon.
Ani Lacuna, ang nasabing pagkilala ay isa lamang patunay na walang anumang uri ng paninira laban sa kanyang administrasyon ang makapagpapabawas sa mga nakamit nang tagumpay at magagandang proyekto ng lungsod ng Maynila mula nang siya ay manungkulan noong bilang alkalde noong 2022, sa kabila ng ang pamahalaang-lungsod ay tumatakbo sa ilalim ng napakaliit ng budget bunga ng P17.8 bilyong utang na iniwan ng kanyang pinalitang si ex-Mayor Isko Moreno.
Tiniyak ni Lacuna na mananatiling ‘focused’ o nakatuon ang atensyon ng kanyang pamunuan sa pagkamit ng adhikain ng pamahalaang-lungsod ng isang “Magnificent Manila’ sa 2030.
Ang naturang Pulso ng Bayan survey ay binibigyang-diin ang patuloy na tiwala at pagiging kuntento at masaya ng mga residente sa pamamahala ng kanilang lokal na lider, partikular na pagdating sa aspeto ng pagbibigay ng serbisyo publiko, pagpapakilala ng mga pagbabago at kagalingan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga komunidad.
Nagbibigay din ito ng isang malaya at komprehensibong pagsusuri ng mga public officials na sumasalamin sa mga sentimiyento at pag-iisip ng mga botante. Nagsisilbi din itong sukatan ng pagiging epektidobg lider ng mga halal na lokal na opisyal sa National Capital Region.
Ang mga resulta ay hindi lamang patunay sa pagsisikap ng mga alkalde, kundi layon ding himukin ang ibang lider na sundan ang yapak at mga ginagawa ng mga hinirang na ‘top performing mayors’ para sa mas mabuting pagbibigay ng serbisyo publiko.