Latest News

Si Mayor Honey Lacuna habang nagtatalumpati sa graduation ng ALS sa Manila City Jail. (JERRY S. TAN)

MAYOR HONEY, DUMALO SA PAGTATAPOS SA ALS SA MANILA CITY JAIL

By: Jerry S. Tan

Nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng mga nagsipagtapos ng Alternative Learning System (ALS) sa Manila City Jail (MCJ) na magpursigi pang makakuha ng mas mataas na edukasyon.

Sa kanyang talumpati sa graduation ceremony, pinasalamatan ng alkalde si Superintendent Rita Riddle ng DepEd- Manila sa pagdadala ng ALS program sa Manila City Jail.

Gayundin, nagpahayag din siya ng pasasalamat kay BJMP Regional Director Chief Superintendent Clint Russel Tangeres dahil sa pagpayag nito na maging bahagi ang mga bilanggo sa nasabing learning program.


Naroon din sa pagtitipon si ALS Supervisor Lea Faa at City Jail Warden Maria Lourdes Pacion na kapwa binati ng alkalde.

Inihayag din ni Lacuna ang kasiyahan sa pagiging bahagi niya ng pagtatapos ng mga bilanggo.

“Malaking bagay na sa pansamantala ninyong pananatili dito sa loob ng city jail ay binigyan ninyo ang inyong sarili ng pagkakataon upang gawing makabuluhan ang bawat oras ninyo sa pamamagitan ng pagpapatuloy ninyo ng inyong pag-aaral. At kung ngayon ay pumasa na kayo sa pang elementary level, may tsansa na kayong mag-upgrade at sikapin namang tapusin ang high school level,” pahayag ni Lacuna.

“Lahat naman tayo ay may mga hinaharap na mga hamon sa buhay. Kung minsan nalalagay lang tayo sa mga alanganing sitwasyon na nagreresulta sa mga di kanais-nais na pangyayari. Pero alalahanin natin na ang lahat ay may dahilan,” dagdag pa nito.


Ayon sa alkalde, kung minsan ay kailangan na makagawa tayo ng pagkakamali upang malaman natin kung ano ang tama.

Kaugnay nito, sinabi rin ng alkalde na ang pagiging matatag ay bahagi ng mga nagsisikap na matuto at gustong umangat sa buhay.

“Kinakailangan nating magpaka-tatag, at matiyagang maghintay sa tamang panahon at tamang pagkakataon. Hindi man tayo palaging malakas, pero ang mahalaga, palagi tayong matatag sa pagharap sa anumang pagsubok,” ayon sa alkalde.

“Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa sa buhay. Bahagi ng pagiging matatag ang pagtanggap natin sa katotohanang walang perpektong buhay. At ang malaking hamon sa atin ay kung papaano natin aayusin ang ating mga sarili, kung paano natin itatama ang mga mali, at kung paano natin haharapin ang panibagong araw pagdating ng bukas,” aniya pa.


Sa kanyang pagbati sa mga nagsipagtapos, sinabi ni Lacuna na dapat nilang lasapin ang bunga ng kanilang pagsisikap bilang paghahanda sa magandang kinabukasan.

“Tuloy-tuloy lang, tiyaga-tiyaga lang, at kayo rin naman ang aani ng inyong tagumpay. Sabayan natin ng malalim na pananalig sa Diyos. Lagi tayong tumawag sa Kanya at tiyak ang Kanyang kasagutan sa tamang oras at takdang panahon,” pahayag pa ni Lacuna.

Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read