SA gitna ng mga pekeng survey at walang humpay na paninira sa kanya ng mga kalaban sa politika ay nananatiling ‘dedma’ lang si Manila Mayor Honey Lacuna at aniya, hindi niya hahayaang madiskaril ang kanyang mga plano para sa kapakinabangan ng mga taga-Maynila at sa halip ay itutuon na lamang umano niya ang kanyang atensyon sa todong serbisyo sa mga residente ng lungsod.
Ayon kay Lacuna, sa halip na pansinin ang mga ‘demolition job’ o mga paninira at gimik ng kalaban ay mananatili na lamang siyang naka-focus sa pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa mga residente ng Maynila at sa pagpapatupad ng mga proyektong kanyang inilatag patungo sa “Magnificent Manila sa 2030.”
Kaugnay niyan ay iniimbitahan rin ni Lacuna ang publiko na lumahok o abangan ang kanilang pagkakataon na maging bahagi ng “Kalinga sa Maynila: City Hall on the Go!” program ng pamahalaang lungsod.
“Name it, we have it!,” saad ni Lacuna patungkol sa iba’t-ibang mga serbisyong ipinagkakaloob nang libre ng iba’t-ibang departmento, kawanihan at tanggapan ng Manila City Hall, sa mismong mga pamayanan.
Kabilang sa mga iniaalok na serbisyo ng “Kalinga sa Maynila: City Hall on the Go!” program ay ang mga sumusunod: ID para sa solo parents, persons with disablity at senior citizens;libreng medical check-up, laboratory examination, pet vaccination at birth certificate concerns.
“Maraming-maraming salamat po sa mga nagpupunta at naga-avail ng mga iba’t-ibang serbisyong diretso sa tao. Bukas po ang ating Kalinga sa Maynila sa lahat ng mga Manilenyo at mga karatig na barangay,” pahayag ni Lacuna.
Napag-alanab na sa ‘Kalinga’ program ay nagbibigay din ang lokal na gobyerno ng libreng dental extraction/fluoride services, reading glasses, medicines, massage, haircut at maging TESDA training.
Ayon pa kay Lacuna, nagkakaloob din ang public employment service office (PESO) ng palagiang job fair sa tuwing may ‘Kalinga’ na isinasagawa sa iba’t-ibang mga barangay sa araw-araw.
Kaugnay pa rin nito ay inanunsyo nina Lacuna at Vice Mayor Yul Servo na ang senior citizens at PWDs ay kapwa binibigyan din ng pantay na pagkakataon na magkaroon ng trabaho sa pamamagitan ng PESO-Manila.
“Kami po ni Vice Mayor Yul Servo ay malugod na bumabati ng congratulations sa lahat ng na-hire na mga minamahal nating mga lolo at lola at mga PWDs. Maraming salamat sa mga partner companies, kasama ang Jollibee Foods Corporation (Jollibee, Burger King, Chowking at Greenwich) at sa lahat ng mga tanggapan ng pamahalaang-lungsod ng Maynila na katuwang ng PESO Manila sa pagbibigay ng marangal na trabaho para sa bawat Manileño,” ayon pa kay Lacuna.
Ang “Kalinga sa Maynila” program ay nagsimula nang manungkulan si Lacuna bilang alkalde noong 2022, sa layunin na dalhin nang diretso sa mga residente ng lungsod ang mga pangunahing serbisyo ng Manila City Hall nang sa gayon ay hindi na sila kailangan pang magpunta doon at upang makatipid sa oras, pamasahe at pagod.