MAHIGPIT na ipinaalala ni Mayor Honey Lacuna sa lahat ng residente ng lungsod na patuloy na umiiral ang curfew sa mga minors sa Maynila.
Ang muling pagpapaalala ay inihayag ni Lacuna matapos na makatanggap ng ulat na maraming minors ang nadadampot sa kalye alinsunod sa Manila City Ordinance No. 8692, na ipinasa sa Manila City Council sa layuning iiwas ang mga menor de edad sa panganib na naglipana kapag disoras na ng gabi, kasama na ang mga riot na nagaganap sa pagitan ng mga grupo ng kabataan na nagtitipon sa lansangan sa madaling-araw.
Kaugnay niyan ay nanawagan ang alkalde sa mga magualng at guardians na sundin ang ordinansa dahil aniya, ang Manila Police District (MPD) sa pamumuno ni Gen. Arnold Thomas Ibay ay mahigpit na nagpapatupad nito.
Hiniling din ni Lacuna sa mga barangay authorities na patuloy na paalalahanan ang kanilang nasasakupan sa umiiral na curfew ordinance dahil sila mismo (barangay officials) ang inatasan na magpatupad nito sa ilalim ng ordinansa.
Binanggit ni Lacuna na batay sa ulat ni Ibay ay may mga residente na tila nakakalimot na may umiiral na curfew ordinance kung saan sakop ang mga kabataan na nare- rescue sa kalye.
Sa ilalim ng curfew ordinance, pinagbabawalan ang mga minors na gumala sa kalye mula 10 p.m. hanggang 4 a.m. Ang paglabag sa ordinansa ay may kaakibat na P5,000 multa, pagkakakulong ng isang buwan o pareho.
Ipinaliwanag ni Lacuna na sa ilalim ng curfew ordinance, ang mga magulang o guardians ng minor na na-rescue ang siyang mapaparusahan na kapag tatlong beses nang nahuli ang kanilang anak, apo o alagang bata, ayon pa rin sa ordinansa.
“Pag tatlong beses na po naming nare-rescue ang inyo pong anak o apo, sa pang-apat po ang mape-penalize na po ay ang parent o guardian,” ani Lacuna.














