NAGPAHAYAG ng pagbati si Mayor Honey Lacuna sa lahat ng mga nanalo sa katatapos lamang na Barangay and Sangguniang Kabataan elections sa Maynila, kasabay ng panawagan na tuparin nila ang kanilang mandato nang buong husay at buong- puso.
Hinimok din niya ang mga ito na makipagkaisa na sa kanilang mga naging katunggali sa halip na gamitin ang kanilang panalo upang bawian ang kanilang mga nakalaban.
Sa kabilang banda,ay nanawagan din siya sa lahat ng mga hindi pinalad na maging maginoo, tanggapin ang desisyon ng mga botante at simulang suportahan ang kanilang mga bagong pinuno sa barangay.
Binigyang- diin ni Lacuna na ang pulitika ay dapat na isantabi na at nanawagan sa lahat ng mga residente ng Maynila na mag-‘move on’ na at sumamang magtrabaho para sa mas maganda at mas progresibong lungsod kung saan sila rin ang kasamang makikinabang.
“Isang araw lamang ang eleksyon kaya sana po ay mag-move on na tayong lahat at tanggapin ang hatol ng ating mga ka-barangay. Hangad kong makasama kayong lahat sa layuning lalo pang pasiglahin, pasayahin pagandahin at lalo pang paunlarin ang ating minamahal na lungsod,” pahayag nito.
Pinuri din ng lady mayor ang lahat ng nag-alok ng kanilang serbisyo sa barangay at sinabing ang kagustuhang maglingkod sa publiko ay hindi nagtatapos sa eleksyon, dahil patuloy naman silang makapagbibigay ng tulong at maaring maging huwaran sa kanilang mga ka-barangay bilang mga pribadong indibidwal.
Umapela din ang alkalde sa mga kandidato nitong nakaraang eleksyon na magkusang tanggalin ang kanilang mga idinikit at isinabit na campaign materials upang mapanatiling malinis ang kanilang mga barangay.
Samantala, pinasalamatan ni Lacuna ang Manila Police District at ang lahat ng city government units na nagtrabaho upang maging payapa at maayos ang barangay elections.
Ayon sa kanya, walang naiulat na kaguluhan at karahasan sa Maynila hanggang matapos ang eleksyon.
Pinasalamatan din niya ang lahat ng mga aktibong lumahok sa katatapos na eleksyon na nagresulta sa malinis at maayos na halalan, maging ang mga nagsilbi sa polling precincts sa lungsod.














