Latest News

Sina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo at social welfare chief Re Fugoso habang inaasikaso ang mga biktima ng sunog sa evacuation site.

MAYOR HONEY AT VM YUL, UMAAPELA NG DAGDAG-DONASYON PARA SA MGA NASUNUGAN SA TONDO

By: Jerry S. Tan

NANAWAGAN ng dagdag-tulong mula sa mga pribadong indibidwal at organisasyon sina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo para sa halos 2,000 pamilyang nawalan ng tahanan sa dalawang sunog sa Tondo nitong nakaraang Sabado.

Aniila ang tulong na maaaring ‘in kind’ o ‘in cash’ ay malayo ang mararating upang tulungan ang mga apektadong residente na muling makabangon mula sa sinapit nila.

Kaugnay niyan ay tiniyak ni Lacuna na ang Manila City Council, sa ilalim ni Presiding Officer Yul Servo, ay gumagawa na ng mga hakbang upang magpakalooban ang mga biktima ng sunog ng sapat na tulong.


Binigyang- diin ng alkalde na dahil napakalaking halaga ang kailangan sa dami ng pamilyang naapektuhan, ang pagbibigay ng tulong-pinansyal mula sa pamahalaang-lungsod ay kailangang dumaan sa tamang proseso dahil pondo ng mga mamamayang Maynila ang pinag-uusapan.

Sinabi pa ni Lacuna na siya at si Servo ay lubhang nag-iingat pagdating sa paghawak ng pondo ng lungsod at lagi nilang iniisip at tinitiyak na nasa tama ang paggugol nito at naayon sa itinatakda ng mga regulasyon o batas ukol dito

Ani Lacuna, na ang lahat ng mga donasyon o kontribusyon upang masuportahan ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog ay taos-pusong tatanggapin ng lungsod.

Maaari umanong dalhin ang mga ito sa tanggapan ni Manila Department of Social Welfare (MDSW) chief Re Fugoso o sa Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) na pinamumunuan naman ni Arnel Angeles.


Ayon kay Lacuna, maaari ding dalhin ang donasyon sa Kartilya ng Katipunan sa tabi ng Manila City Hall kung saan may mga kawani ng MDRRMO at MDSW na maaring tumanggap ng mga nasabing donasyon o kontribusyon.

Tags: Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo

You May Also Like

Most Read