Sina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo na na nakatakdang maghain ng COC nang sabay bilang magka-tandem muli sa darating na halalan. (JERRY S. TAN)

MAYOR HONEY AT VM YUL, SABAY MAGHAHAIN NG KANDIDATURA SA OKTUBRE 3

By: Jerry S. Tan

SABAY na maghahain ng certificates of candidacy (COC) ang magka-tandem at reelectionists ?na sina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ngayong Huwebes, Oktubre 3. Sila ay muling tatakbo bilang alkalde at bise-alkalde ng Maynila sa ilalim ng Asenso Manileño, ang nangingibabaw na partido sa lungsod.

Npag-alaman na ihahain nina Lacuna at Servo ang kanilang kandidatura sa pagitan ng alas-10 ng umaga at alas-12 ng tanghali sa SM Cinema 12 sa SM Manila.


Samantala, binasag na ni Lacuna ang kanyang pananahimik hinggil sa kanyang naramdaman bunsod ng planong pagtakbo laban sa kanya ng dating ka-tandem at kaalyado at natalong kandidato sa pagka-presidente na si ex-mayor Isko Moreno.

“Definitely, I feel betrayed,” pag-amin ni Lacuna, sa isang panayam sa programang “Sa Totoo Lang” ng ONE Ph.

Ibinahagi rin niya sa naturang panayam ang naging huling pag-uusap nila ni Moreno noong unang bahagi ng Agosto pa, kung saan sinabi ni Moreno ang plano niyang pagtakbo bilang alkalde ng Maynila.


“Nabanggit niya na binabalak niyang tumakbo ulit na mayor. Very short lang pag-uusap namin. Definitely, I feel betrayed because nung siya naman po ay namaalam at tumakbong Presidente, very clear po sa amin sa partido po namin na kapag hindi po siya sinuwerte ay magre-retire na daw po siya and on several occasions na magkakasama kami ay lagi po nyang sinasabi ‘yun, assuring everyone na he is already retired from politics at hindi ho kami magiging magkalaban kahit kailan,” kwento ni Lacuna.

“Very clear po talaga ‘yun eh… in fact, bago po siya (Moreno) umalis ng Maynila ay pinagbilinan pa po nya kami ni Vice Mayor Yul Servo. Klaro po sa amin ni Vice Mayor Yul Servo po na magre-retire na po siya at in fact, nabanggit po niya that he would venture into teaching at alam naman po natin na nagbalik- showbiz siya,” dagdag pa ng alkalde.


Napag-alamang mula sa anim na nakaupong Congressmen sa Maynila, lima ang nananatiling kaalyado nina Lacuna at Servo. Ito ay sina Congressmen Rolan Valeriano (2nd district), Joel Chua (3rd district), Edward Maceda (4th district), Irwin Tieng (5th district) at Benny Abante (6th district).

Lahat sila ay muling tatakbo sa parehong posisyon sa 2025 mliban kay Maceda, na papalitan ng kanyang maybahay na si Dr. Giselle, dahil natapos na niya ang kanyang ikatlong termino.


Ang nagbabalik naman na Congressman na si Manny Lopez ay tatakbo sa ilalim ng Lacuna-Servo tande bilang kinatawan ng unang distrito.

Nasa tambalang Honey-Yul din ang mayorya ng mga miyembro ng Manila City Council sa ilalim ng Asenso Manileño.

Lahat sila ay tumatakbo sa ilalim ng ruling local party sa Maynila, ang Asenso Manileño, na siyang tumulong upang makuha ni Moreno ang pagiging vice mayor at kalaunan, pagiging mayor, sa ilalim ng pamumuno ni party founder at patriarch, former Vice Mayor Danny Lacuna, na ama ni Mayor Honey.



Nang matalo si Moreno sa 2022 presidential elections, ang Asenso Manileño naman ay naipanalo ang lahat ng lokal na posisyon sa lungsod, mula mayor, vice mayor, anim na Congressmen at 36 councilors.

Tags: Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo

You May Also Like

Most Read