NAGPAHAYAG ng labis na pasasalamat sina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo kina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at House Speaker Martin Romualdez dahil sa palagian umano nilang isinasama ang lungsod ng Maynila sa pamamahagi ng mga tulong pinansiyal, partikular na para sa mga ‘marginalized sector.’
Nagpasalamat rin si Lacuna sa Pangulo at sa House Speaker dahila sa ipagkatiwala nila sa kanya ang tungkulin upang tiyakin na ang tulong na ipinagkakaloob nila para sa mga nangangailangang pamilya sa Maynila ay makakaabot sa kanila nang direkta at mabilis.
Napag-alaman na pinangunahan mismo ni Lacuna ang pamahahagi ng tulong pinansiyal para sa libong pinuno ng pamilya sa Nazareth Covered Court, kung saan katuwang niya sina Manila social welfare chief Re Fugoso at mga kandidato para sa Councilor, kabilang na si chairman Bong Marzan, kapatid ni Jay Marzan na nagsilbing city administrator ng yumaong si dating Manila Mayor Fred Lim.
Libu-libong pamilya mula sa Sampaloc ang tumanggap ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) na ipinagkaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa tulong nina PBBM at Romualdez.
Ayon kay Lacuna, nang tanungin siya nina Pangulong Marcos at Speaker Romualdez kung paano sila makakatulong sa mga residente ng Maynila, hindi na umano siya nagpaliguy-ligoy pa at sinabing kailangan ng mga residente ng tulong-pinansiyal, na mabilis naman nilang tinugunan at pinagbigyan ng mga ito ang kanyang kahilingan.
“Hindi ho ako mahihiyang manghingi dahil para naman sa mga kababayan ko. Gusto ko na maramdaman ninyo ang tunay at totoong pagmamahal… alam nyo po, ang Asenso Manileño, trabaho lang nang trabaho para sa serbisyong diretsong mararamdaman ninyo,” ani Lacuna.
Dagdag pa ng alkalde: “Ang programang ito ay simbolo ng kalinga ng pamahalaan para sa mga kapwa nating Manileño. Maraming salamat po sa inyong patuloy na tiwala at pagmamahal.”