TIG-P10,000 na tulong-pinansiyal ang ipinamahagi nina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo sa bawat pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa sunog na naganap sa Isla Puting Bato sa Tondo at Sampaloc, Manila kamakailan lamang, kung saan umabot ng may 2,000 pamilya ang apektado.
Ayon kay Manila Department of Social Welfare (MDSW) chief Re Fugoso, ang pamahalaang lungsod sa atas ni Lacuna ay patuloy ang pagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan sa mga fbiktima ng sunog.
Aniya, sa pagsisimula pa lamang ng sunog ay agad nang nag-utos si Lacuna kay Fugoso na ihanda na ang temporary shelters at ang pagbibigay ng food boxes, pagkain at mga tent.
Samantala, nanawagan sina Lacuna at Servo sa mga residente ng Maynila na nangangailangan ng trabaho na lumahok sa ‘Mega Job Fair’ na ilulunsad ng pamahalaang- lungsod sa Biyernes (November 29, 2024) at isasagawa mula 10 a.m. hanggang 5 p.m.sa Arroceros Forest Park, saLawton, Maynila
Ang nasabing ‘mega job fair’ ay inorganisa ng Public Employment ServiceA Office (PESO) ng lungsod sa ilalim ni Fernan Bermejo at sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment – National Capital Region at DOLE -NCR Manila Field Office.
Ayon kay Lacuna, ang mga interesadong aplikante ay inaasahang magpunta nang naka-casual na kasuotan at sila ay pinapayuhang magdala ng sariling ballpen at sampung kopya ng kanilang resume.
Nagpayo din si Lacuna sa mga maga-apply na siguraduhing nag-almusal na sila bago pumunta sa job fair para makasagot nang maayos sa interview na ginagawa on the spot.
Napag-alaman sa alkalde na libo-libong trabaho ang naghihintay sa nakatakdang job fair na lalahukan ng maraming kumpanya na laging sumusuporta sa proyejto ng lokal na pamahalaan na pagbibigay ng trabaho sa mga walang hanapbuhay na residente ng Maynila.
Ani Lacuna, ang pamahalaang-lungsod ay hindi tumitigil sa pagsasagawa ng mga job fair kung saan marami ang pinapalad na nabibigyan ng trabaho ‘on the spot’ o doon na din mismo.