Sina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo nang pangunahan ang 39th International Coastal Cleaup sa Basec. Kasama sa larawan sina (kaliwa) department of public services head Jonathan Garzo at (mula kanan) Chairwoman Diana Espinosa at DENR Usec Mitch Cuna. (JERRY S. TAN)

MAYOR HONEY AT VM SERVO, PINANGUNAHAN ANG 39TH INTERNATIONAL COASTAL CLEANUP SA MAYNILA

By: Jerry S. Tan

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo Nieto ang libo-libong volunteers sa paglilinis ng coastal area ng Baseco Beach nitong weekend, kung saan 12 trak ng basura ang nakulekta.

Sa kanyang mensahe sa 39th International Coastal Cleaup sa Manila, muling nanawagan si Lacuna sa mga residente ng lungsod ng Maynila na ugaliin ang wastoong pagtatapon ng basura at gayundin ang wastong paghihiwalay ng basura dahil may mga basura umanong maaring ma-recycle para magamit at pakinabangan sa ibang paraan.


Kaugnay niyan ay ipinagmalaki ni Lacuna na mismong ang podium kung saan siya nagsasalita ay yari sa ‘recyclable materials’ mula sa mga plastic na nakilekta ng mga nakaraang panahon.

Pinasalamatan nina Lacuna at Servo ang iba’t-ibang organisasyon, mga miyembro ng Manila local government departments, bureaus at tanggapan sa kanilang paglahok sa taunang cleanup.

Binigyang papuri din ng dalawa ang patuloy na ginagawa ng department of public service sa ilalim ni Jonathan Garzo, Estero Rangers, Team Mandaragat, Baseco Beach Warriors pati na ang mga streetsweepers, sa pagpapanatili ng nasabing lugar na malinis at walang kalat.


Ibinahagi ni Lacuna na noong manalasa ang bagyong ‘Carina’ at lumikha ng matinding pagbaha, maliwanag na ang tone-toneladang basura na basta na lang itinatapon ang siyang dahilan ng baradong daluyan ng tubig.

“Nung personal tayong nagtungo sa mga barangay sa kasagsagan ng baha ay literal na dagat ng basura ang aming nilusong at di kataka-taka dahil sa dami ng basura na nakapagbara sa lagusan ng tubig mula sa kanal, estero maging mismo sa dalampasigan,” ani Lacuna.


Idinagdag pa nito: “Patuloy tayong nananawagan upang gawin naman ang paghihiwalay ng mga nabbulok at di nabubulok at ang pagsasagawa ng recycling at aktibong paggamit ng mga MRF (material recovery facility) na umiikot sa mga barangay para kunin ang mga di nabubulok para gawing kapaki-pakinabang na ibinabalik din sa mga barangay.”

Dumalo din sa nasabing cleanup drive sina Usec Mitch Cuna ng Department of Environment and Natural Resources at Chairwoman Diana Espinosa.


Ang tema ng coastal cleanup ay “Clean Seas for the Blue Economy.” Ito ay ginawa sa pakikipagtulungan ng di bababa sa 100 organiisasyon at ng DENR.

Tags: Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor yul Servo-Nieto

You May Also Like