Latest News

Sina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo nang mag-guest sa MACHRA Balitaan, kung saan pormal nilang idineklara na tatakbo silang magkasamang muli sa 2025 elections. Kasama nila sa larawan sina Itchie Cabayan atAndi Garcia, president at vice president ng MACHRA. (JERRY S. TAN)

MAYOR HONEY AT VICE MAYOR YUL SERVO, MAGKASAMANG TATAKBO ULIT SA 2025

By: Jerry S. Tan

Tatakbo muli nang magkasama sina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo para sa May 2025 elections.

Ito ang pormal na deklarasyong ginawa nina Lacuna at Servo sa kanilang pagdalo sa buwanang “MACHRA Balitaan” ng Manila City Hall Reporters’ Association, na ginanap nitong Martes sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Manila at ayon pa sa dalawang pinakamataas na opisyal ng lungsod, magkasama silang tatakbo at maghahain ng certificates of candidacy pagsapit ng Oktubre, para sa panibagong termino na 2025-2028.

Kaugnay niyan ay nagpahayag rin si Lacuna ng solidong kumpiyansa na walang pagpapalit ng pamunuan na magaganap sa lungsod ng Maynila dahil muli silang pagkakatiwalaan at ihahalal ng mga residente ng Maynila.


Ayon kina Lacuna at Servo, nais nilang maipagpatuloy ang kanilang mga proyektong ginagawa para sa kapakanan ng lungsod at mga naninirahan dito.
Sa nasabing forum, mariin at tiwalang idineklara ni Lacuna na walang magbabago sa liderato ng Maynila sa darating na 2025, na ang ibig sabihin ay mananatili sila sa kanilang posisyon at ang kanilang mga nagawa sa mga residente ng Maynila ay sapat na dahilan upang sila ay muling pagkatiwalaan ng nakararaming residente ng Maynila.

Sinabi naman ni Servo na mapalad siyang maging ka-partner ni Lacuna sa paglilingkod at patuloy umano siyang binibigyan ng inspirasyon ng alkalde, dahil sa mahusay na liderato nito at kasipagan. Ayon pa sa bise alkalde, ang dedikasyon at sipag ni Lacuna bilang alkalde ng Maynila ay nagbunga ng maraming benepisyo para sa mga mamamayan ng Maynila.


Samantala ay sinabi ni Lacuna na bagamat magandang tingnan ang infrastructures, mayroon mga pangangailangan na higit na dapat bigyang pansin at unahin tulad ng pagtulong sa mga mamamayan at upang mas marami ang makinabang.

Sa puntong ito ay binigyang-diin ni Lacuna na kumpara sa housing projects kung saan kakaunti lamang ang nakikinabang, ang special assistance program (SAP) na nagbibigay ng monthly cash aid sa lahat ng senior citizens, persons with disability, minors with disablity, solo parents at university students ay umaabot ng daan-daang libo lahat.


Ayon pa kay Lacuna, ang cash assistance na tinatanggap ng mga nasabing beneficiaries ay higit pa sanang mas malaki kung di lamang nagbabayad ang pamahalaan ng P17. 8 billion na utang na iniwan ng nakaraang administrasyon.

Gayunman, sinabi ni Lacuna na ang kanyang administrasyon ay patuloy pa rin sa paggawa ng infrastructure projects batay sa tinatawag na ‘proof of concept,’ na ang ibig sabihin, dapat ay nakabase ito sa totoong bilang ng taong makikinabang sa proyekto.

Inihalimbawa niya ang mga school buildings na itinayo, kung saan mas marami ang classrooms sa aktwal na bilang ng mag-aaral o student population.

Kabilang sa mga proyekto ni Lacuna na tapos na sa susunod na buwan ay ang animal shelter and clinic malapit sa Vitas Slaughtherhouse at tatlong six- storey school buildings sa Tondo, District 5 at District 6.

Ang mga paaralang itatayo sa Tondo ay ang Isabelo Delos Reyes Elementary School at Emilio Jacinto Elementary School na inaasahang matatapos sa mga unang buwan ng 2025. Sa District 5 naman ay ang Aurora Quezon Elementary School kung saan tapos na ang Phase 1 at sisimulan na rin ang Phase 2, samantalang nag- groundbreaking na ang V. Mapa School sa Disrict 6 at malapit na itong simulan.

‘Depende kasi sa populasyon ng mag-aaral kaya six-storey school ang buildings. Matatapos na din ang pagpapagawa ng Aurora Quezon Health Center,” dagdag pa ng alkalde.

Samantala, sinabi ni Lacuna na ang kanyang administrasyon ay humingi ng tulong sa lahat ng punong barangay sa pamamahagi ng buwanang cash assistance sa mga senior citizens, persons with disability, minors with disablity, solo parents at university students.

“Ginawa naming mas efficient ang delivery of SAP by tapping barangays instead of PayMaya. Nakita naming di epektibo ang PayMaya dahil di nakukuha ng senior using PayMaya. In fact, meron pa tayong pondo na hanggang ngayon nasa PayMaya kaya pinagkatiwalaan na sila (barangay chairmen) mismo ang mamigay. For five to seven days ay nasa kanila ang pondo para direkta itong maibigay, mas on time at mas efficient,” aniya..

Sa kanyang bahagi naman, sinabi naman ni Servo na sa ilalim ng kanyang pamamahala bilang Presiding Officer ng Manila City Council ang Konseho ay nakapag-digitize na ng 9,000 ordinances at dahil dito, ang paghahanap ng anumang ordinansa ay ‘one click away’ na lang para sa mga residente.

Tags: Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo

You May Also Like

Most Read