Tiniyak ni Mayor Honey Lacuna na paiigtingin ng lungsod ang pagpapaliwanag pa ng mga kalsada sa Maynila.
Sa kanyang lingguhang “Kalinga sa Maynila” forum ay inihayag ito ni Lacuna nang tanungin ng isang residente kung kailan paiilawan ang kahabaan ng A.H. Lacson Avenue, na isang pangunahing kalye sa Sampaloc.
Ayon kay Lacuna, ang pagpapailaw sa nasabing lugar ay magsisimula na sa mga susunod na araw dahil inatasan na niya si City Electrician Randy Sadac na simulan na ang nasabing proyekto sa mas lalong madaling panahon.
Aniya pa, mayroon nang pondong inilaan para sa nasabing pagpapailaw ng lugar.
“Sisimulan na po at may nakalaan na diyan na pondo kaya sisimulan na po ng electrician’s office,” paniniyak ni Lacuna, kasabay ng apela sa mga residente na impormahan ang kanyang administrasyon sa mga lugar na madidilim at kailangan pang pailawan o dagdagan ng ulaw.
Naniniwala umanbo ang alkalde na ang kadiliman ng isang lugar ay kakampi ng mga masasamang elemento ng kriminalidad, kaya naman binigyang direktiba na niya si Sadac na pailawan ang mga kalsada.
Ayon pa sa alkalde, ang mga motorista, commuters at pedestrians ay makikinabang din at mapoproteksyunan kung maliwanag ang isang kalsada. (Baby Cuevas)














