Nakapagtala na naman ng bagong record ang Maynila bilang unang lungsod sa National Capital Region (NCR) na nakaabot ng 100 percent sa measles-rubella vaccination sa ilalim ng ‘Chikiting Ligtas 2023’ nationwide supplemental immunization campaign, na layuning bakunahan ang mga bata kontra, measles, rubella at polio.
Binati at pinasalamatan ni Mayor Honey Lacuna ang lahat ng city personnel, lalo na ang mga taga- Manila Health Department sa pamumuno ni chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, na tumulong sa sama-samang hakbang na nagresulta sa pangunguna ng Maynila sa listahan ng mga local government units (LGUs) bilang pinakamaraming batang nabakunahan laban sa measles, rubella at polio sa pinakamaagang panahon.
Sinabi ni Pangan nitong Lunes sa ‘MACHRA’s Balitaan’ forum na ginawa ng Manila City Hall Reporters’ Association na nng Manila LGU ay nakapagtala na ng 97 percent na nabakunahan sa kaso ng measles at rubella at 92 percent sa polio. Nagpahayag din siya ng tiwala na maaabot nila ang 100 percent target sa loob ng linggong ito mula noong Lunes at napatunayan namang tama siya.
Ang nasabing immunization drive ay palagian nang itinutulak ni Lacuna mismo, kasama si Pangan, kung saan maging ang lahat ng 44 health centers at anim na city-run hospitals ay pinakilos at ginamit para lahat ng mga batang kwalipikado na makatanggap ng free immunization ay mabilis na maturukan.
Sinabi ni Lacuna, na isa ring doktor, na ang mga nasabing sakit ay mayroong ‘life-altering effects’ sa mga batang dinapuan nito, sampu sa kanilang pamilya.
Hanggang May 25, 2023 ay may kabuuang 102.24 percent o 151,077 bata ang nabakunahan na kontra rubella habang 96.93 percent o 167,833 ang nabigyan ng oral polio vaccine.
Iniulat ni Pangan na ang pangunguna ng Maynila sa nationwide immunization drive ay base sa “CY 2023 Measles Rubella Supplemental Immunization Activity Accomplishment Report.’
Ipinapakita nito na ang kabuuang percentage ng mga nabakunahang bata sa Maynila ay umabot na ng 100.86 percent mula sa 147,771 target na eligible population (9-59 months old) at ang kabuuang bata na nabakunahan ay umabot na ng 149,043.
Para sa tagumpay ng programa, binigyang- kredito ni Pangan ang mga empleyado ng MHD, barangay officials sa pamumuno ng Liga ng mga Barangay President Lei Lacuna at Manila Barangay Bureau director Boroboy Santiago dahil sa kanilang suporta upang matiyak ang tagumpay ng hakbang ng pamahalaang- lungsod na mabakunahan ang mas maraming bata sa lalong madaling panahon.
Ang “Chikiting Ligtas 2023: Join the Big Catch Up, Magpabakuna para sa Healthy Pilipinas!,” ay inilunsad ng World Immunization Week (WIW) noong April 2023 ng Department of Health (DOH), kasama ang mga developmental partners na United Nations Children’s Fund (UNICEF) at World Health Organization (WHO).