NAGPATAWAG ng pulong si Manila Mayor Honey Lacuna bilang paghahanda sa nakaambang welga ng mga transport groups na tatagal ng isang linggo simula sa darating na Lunes, Marso 6.
Ang pulong ay ginawa sa mismong tanggapan ng alkalde sa Manila City Hall kasama sina Manila Police District (MPD) Director PBGen. Andre Dizon, Dennis Viaje ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) chief Arnel Angeles at mayor’s spokesperson Atty. Princess Abante.
Sinabi ni Lacuna na maglalatag sila ng mga hakbang upang asistehan ang mga labis na maaapektuhan ng welga at upang tiyaking payapa at maayos ito hanggang sa matapos.
Umapela din ang lady mayor na maging payapa ang welga at umaasang matatapos ito nang walang karahasang magaganap.
Sa bahagi naman nina Dizon, Angeles and Viaje, tinitiyak ng mga ito na kikilos ng husto at naaayon ang kanilang mga tanggapan upang matulungan ang mga maaapektuhang mga manggagawa at pasahero dahil sa nasabing welga.
Si Viaje ang naatasang maglabas ng mga buse na sasakyan ng mga stranded na pasahero sa Maynila patungo sa kanilang destinasyon.
Ilang transport groups ang nag-anunsyo na magsasagawa sila ng welga bilang protesta sa gobyerno sa Public Utility Vehicles (PUV) Modernization Program.
Tinangka ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na makipag-dialogue sa mga transport group leaders pero tumanggi ang mga ito.
Ang mga PUVs na mula Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region at Cagayan De Oro ang lalahok sa welga.
Sinabi ni Bautista na kailangang i-modernize na ang PUVs dahil mahalaga ang “CASA” na ang ibig sabihin sa transport sector ay convenient, accessible, safe and secure and affordable.
Nakatakdang magsimula ang welga ng 7 a.m. ng Mar. 6 hanggang Mar. 12, 2023. (JERRY S. TAN)














