UMAABOT sa P100 milyon kada buwan ang binabayaran sa ngayon ng pamahalaang-lokal ng Maynila dahil sa P17.8 bilyong utang na iniwan ng administrasyon ni ex-Mayor Isko Moreno.
Ito ang napag-alaman kay Manila Mayor Honey Lacuna sa interview ng media sa kanya, matapos tanggapin ang Seal of Good Local Governance (SGLG) na nakamit ng lokal na pamahalaan noong Lunes ng gabi sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng lungsod.
Ipinagmalaki ng alkalde na sa kabila ng pagbabayad sa utang na iniwan ng nakaraang administrasyon, nagawa pa ring makalikom ng kanyang administrasyon ng kabuuang P21.29 bilyong revenues at mahigit P3 bilyong surplus.
Nagawa pang pumangalawa ng Maynila sa Quezon City pagdating sairevenue collection at sa Pasig pagdating sa surplus.
Sinabi pa ni Lacuna na ang gumandang financial standing at performance ng lokal na pamahalaan ay nakamit nila nang hindi kinakailangang magtaas ng buwis o mangutang nang malaki.
Hindi rin aniya pumalya ni minsan ang pamahalaang-lungsod sa pagbabayad ng kanilang buwanang obligasyon sa dalawang bangko na inutangan ni Moreno.
Tiniyak pa niya na kahit hindi siya ang nangutang ng naturang malaking loan ay hindi siya magpapabaya sa pagbabayad nito at hindi tatalikuran ng lungsod ang utang na ipinamana sa kanya ng nakaraang administrasyon.
Pinasalamatan nina Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang Commission on Audit (COA) dahil sa pagkilala sa mahusay na pangangasiwa ng lungsod sa pondo nito.
Ang SGLG award ay ibinibigay sa LGU matapos maipasa ang samut-saring aspeto ng pamamahala pagdating sa sumusunod: financial administration and sustainability; disaster preparedness; social protection and sensitivity; health compliance and responsiveness; sustainable education; business-friendliness and competitiveness; safety, peace and order; environmental management; tourism and public safety.