Hawak ni Mayor Honey Lacuna ang Seal of Registration ng pamahalaang-lungsod ng Maynila mula sa National Privacy Commission kasabay ng pagtiyak na sa Maynila, protektado ang data. (JERRY S. TAN)

MAYNILA, MAY SEAL OF REGISTRATION, DATA PROTECTION TINIYAK NI MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

NAGBIGAY-KATIYAKAN si Mayor Honey Lacuna na sa Maynila, ang lahat ng datos ng mga residente at mamumuhunan ay protektado.

Ito ay kasabay ng kanyang pag-anunsiyo na nakakuha na ang pamahalaang-lungsod ng ‘Seal of Registration’ mula sa National Privacy Commission (NPC).

Ani Lacuna, ito ay isang patunay ng pagsunod ng Maynila sa pagbabantay ng privacy rights ng kanilang mga residente at stakeholders.


Ito ay nangangahulugan rin umano na ang Maynila ay nakapag-comply na nang husto sa registration requirements ng Data Privacy Act of 2012 at sa Implementing Rules and Regulations nito.

Alinsunod pa rin sa nasabing batas, iniatas ni Lacuna ang pagpapaskil ng Seal of Registration sa main entrance ng City Hall at iba pang lugar na madaling makita ng mga taong nagtutungo doon, partikular na yaong may mga transaksiyon sa lokal na pamahalaaan.


“We would like to assure our residents and stakeholders that the city of Manila is fully compliant and committed to safeguarding their rights to privacy and data protection,” pagtitiyak ni Lacuna.

Kaugnay niyan ay inatasan rin ni Lacuna sina Data Privacy Office head Atty. Ava Sicangco at Electronic Data Processing chief Fortune Palileo na kaagad i-display ang nasabing Seal of Registration ng Maynila sa lahat ng online platforms, websites at online services ng lungsod, habang nakikipag-transaksyon sa publiko araw-araw.


Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read