Magkakaroon ng road closures at traffic re-routing scheme sa ilang lugar sa lungsodng Maynila sa Setyembre kaugnay ng pagdaraos ng 2024 Bar Examinations sa San Beda University.
Inihayag ng Manila Public Information Office na pinamumunuan ni Atty. Princess Abante na ang road closures ay ipapatupad mula 2 a.m. hanggang 7 p.m.sa Setyembre 8, 11, at 15 sa Mendiola area, malapit sa nasabing unibersidad.
Ani Abante, kabilang umano sa mga isasaradong kalsada sa mga nasabing petsa ang Mendiola St. (both lanes, mula Peach Arch hanggang Malacan~ang Gate) at Concepcion Aguila St. (both lanes mula Mendiola St. hanggang Jose Laurel St.).
Pinapayuhan umano ang mga motorista na maghanap ng alternatibong ruta sa mga nasabing petsa upang makaiwas sa posibleng pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Sa Metro Manila, ilan pa sa magiging testing center sa bar exams ngayong taon ay ang University of Santo Tomas (UST) sa Maynila, Manila Adventist College sa Pasay City, University of the Philippines-Bonifacio Global City sa Taguig City at San Beda College-Alabang sa Muntinlupa City.
Sa Luzon naman, idaraos ang eksaminasyon sa Saint Louis University, University of Nueva Caceres; habang ang venue ng pagsusulit sa Visayas ay sa University of San Jose-Recoletos, Central Philippine University at Dr. V. Orestes Romualdez Educational Foundation.
Sa Mindanao ay idaraos ang bar exams sa Xavier University at Ateneo de Davao University.














