“WALA po tayong aaksayahing pondo at lalong lalo na, hindi po tayo mangungutang.”
Ito ang pangakong binitiwan ni Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng taga-Maynila, kasabay ng pagtitiyak na ang pamahalaang-lungsod ay inilalagay sa tama at maayos ang lahat, lalo na pagdating sa paghawak ng pondo.
“Nasa wastong pangangasiwa at maayos na pamamahala ang susi sa tagumpay at patuloy na pag-unlad ng ating minamahal na Lungsod ng Maynila,” ani Lacuna.
“Umasa po kayo na patuloy nating aayusin ang lahat ng mga gawaing bayan at wala tayong aaksayahing pondo,” dagdag pa ni Lacuna sa ginanap na inagurasyon ng Pedro Gil Residences at Pedro Gil Super Health Center sa Malate, Maynila.
Malinaw na ang tinutukoy ni Lacuna ay ang ilang proyekto na ginawa ni ex-Mayor Isko Moreno na hindi pinag-aaralan at hindi rin angkop sa pangangailangan at bilang ng mga gagamit ng proyekto, dahilan upang maaksaya ang napakahalagang pondo ng lungsod.
Ayon kay Lacuna, ilang libo lamang ng mga residente na nakinabang sa mga nasabing proyekto samantalang ang bilang ng mga residente ay mahigit milyon na.
Binigyang- diin ni Lacuna na dahil pinili ni Moreno na iwanan ang Maynila para tumakbo sa mas mataas na posisyon, iniwan din nito ang mga proyekto na natapos lamang sa groundbreaking at utang na nagkakahalaga ng P17.8 billion.
Sa tulong ni Vice Mayor Yul Servo at ng Manila City Council na pinamumunuan nito, sinabi ni Lacuna na ang kanyang administrasyon ay nabayaran at natapos ang mga nakatiwangwang na proyekto at nakakapagbayad din ang lungsod sa dalawang bangko kung saan umutang si Moreno ng nasabing malaking halaga.
“Hindi po lingid sa inyong kaalaman na ang nakaraang administrasyon ay nag-iwan ng bilyon na utang sa Maynila—isang bigat na patuloy nating sinusubukang lampasan. Habang patuloy ang mga pambabatikos ng dating mayor, isang bagay ang hindi maitatanggi: hindi tinatanggap na pambayad sa bangko ang laway,” pagbibigay-diin ni Lacuna.
“Tayo po ang sumasalo ngayon ng iniwang responsibilidad ng dating mayor dahil nirespeto natin ang desisyon niyang mag-asam ng mas mataas na tungkulin sa gobyerno. Nang matapos ang groundbreaking ng mga proyektong ito, tayo na rin po ang nagpatuloy at tumapos para patuloy nating matulungan ang mga Manileño,” dagdag pa ni Lacuna.
“Sa akin ay wala naman pong kaso ang lahat ng ito dahil alam kong parte ito ng tungkulin ko bilang isang responsableng mayor. Pero nananawagan po ako: sana po ay itigil na natin ang pamomolitika at pagtuunan natin ng pansin ang pagbibigay ng tapat at totoo na serbisyo para sa mga Manileño,” ayon pa sa lady mayor.